Hindi ba’t kapuri-puri ang maigting na determinadong hakbang ng administrasyong Aquino na palakasin ang kakayahan ng bansa na bantayan ang ating katubigan sa kabila ng limitadong pondo matapos dumating sa bansa ang BRP Ramon Alcaraz, ang ikalawang Hamilton-class cutter mula sa United States (US). Malinaw na hindi pag-aaksaya ng pondo ang pagbili ng pamahalaan sa BRP Ramon Alcaraz -- ito’y napakalaking tulong upang protektahan ang teritoryo ng Pilipinas, hindi lamang sa mga “nambu-bully” bagkus sa panahon ng kalamidad na maaaring gamitin sa search and rescue operation. Bagama’t magastos ang pamumuhunan sa ganitong aspeto ng depensa ng bansa at mayroong mahahalagang mga pangangailangan na dapat pondohan sa larangan ng pangunahing serbisyo at edukasyon, malaki ang maitutulong nito para labanan ang patuloy na panggigipit ng China sa West Philippine Sea. Malaking tagumpay sa modernisasyon ng Philippine Navy ang pagdating sa bansa ng barko sa tulong ng pagsusumikap ni PNoy. Nakakalungkot isipin lamang na nasayang ang multi-bilyong pondo sa nagdaang siyam taon bago naupo si PNoy, ika nga ni Mang Kanor: sana ipinambili ng barko at eroplano ang saku-sakong perang ina-account ng Commission on Audit (COA) ngayon! Ikinokonsidera si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na lider na naglaan ng malaking pondo para sa depensa ng bansa kumpara sa ibang naging presidente kahit papasok pa lamang ng apat na taon ang kanyang panunungkulan. Lagi nating iisipin na pinakamabuting kasangkapan laban sa mga mananakop ang presensiya ng militar. Kalimutan na rin natin ang mga kritiko na nagsasabing hindi uubra ang bagong dating na Hamilton-class cutter kumpara sa makabagong barkong pandigma ng ilang nambu-bully sa Panatag at Scarborough. Pinakamainam na hindi natutulog sa pansitan si Pangulong Aquino at gumagawa ng mga paraan at hakbang upang matiyak na magkakaroon ng lakas ang ating militar. *** Napag-usapan ang good news, panibagong tagumpay na naman sa pagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan ang desisyon ni PNoy sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM) na ipalabas ang P2.8 bilyong pondo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa konstruksiyon at pagkumpuni ng pampublikong mga ospital sa buong bansa. Bahagi ang pondo ng ipinapatupad na Health Facilities Enhancement Program (HFEP) sa ilalim ng Department of Health (DOH). Layunin ng inilalaang pondo na palakasin ang pagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan ng administrasyong Aquino sa publiko. Hindi naman nakakapagtaka ito dahil sa pangako at pagiging sensitibo ni PNoy sa pangangailangan sa kalusugan ng maraming Pilipino. Bahagi ang programa para makamit ang tinatawag na Millennium Development Goals sa larangan ng pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa publiko sa 2015. Dahil sa pagpapaunlad ng rural health centers, matitiyak natin na mabibigyan ang ating mga kapamilya ng mas maayos na serbisyong pangkalusugan at iba pang emergency services mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Kasama rin sa hangarin ng HFEP na maitaas ang antas ng imprastraktura at mga kagamitan sa pampublikong health facilities sa buong bansa. Kabilang dito ang 512 regional health units (RHUs), 363 barangay health stations (BHSs), 147 district hospitals at 20 provincial hospitals. Karagdagan ito sa pagpapayaman ng BHSs at RHUs para matulungan ang nursing students, makapagbigay ng hospital-grade services at mabawasan ang sobrang pasyente sa pangunahing pampublikong mga ospital. Positibo ako sa tulong ng pagsusumikap ni PNoy, magpapatuloy ang mabuting serbisyong pangkalusugan para sa mga Pilipino. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com) | |||||
Friday, September 6, 2013
Kahit paano, meron!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment