Wednesday, September 11, 2013

Sa kabila ng kontrobersya!



Sa kabila ng kontrobersya!
REY MARFIL

Sa mga nakakaiyak na balita tungkol sa mga kontrobersya ng pork barrel fund at ni Janet Lim-Napoles, may magandang balita tungkol sa ekonomiya ng bansa pero baka hindi mabigyan ng sapat na pansin dahil hindi kaintri-intriga.
Hindi pang-telenobela ang good news na hatid sa bagong marka na nakuha ng Pilipinas sa World Economic Forum’s (WEF) Global Competitiveness Report. Pero dapat itong ikatuwa ng mga Pinoy dahil magpapakita ito na tuloy ang trabaho ng gobyernong Aquino sa kabila ng mga intriga sa isyu ng pork barrel fund ng mga mambabatas.
Ang magandang balitang hatid ng WEF, ang pagtaas ng “competitive standing” ng Pilipinas sa 59th spot ngayong 2013, na mas mataas sa 65th spot natin noong 2012.
Hindi biro ang pagtaas ng ating marka dahil nasa 148 bansa ang mino-monitor sa WEF report na ginagawa taun-taon. Dito ay sinusukat ang kakayanan ng isang bansa na makipagsabayan sa larangan ng pagnenegosyo at pag-angat ng kabuhayan ng kanilang mamamayan.
May mga “indicator” na ginagamit ang WEF para makita kung umaangat o bumababa sa kanilang monitoring system ang bansa. Kabilang sa mga indicator na ito ay ang domestic market size index, affordability ng financial services, madaling pagkuha ng loans, regulation ng securities exchanges, pati na rin ang financing sa pamamagitan ng local equity market.
Bukod sa magandang competitive ranking ng bansa, isa pang magandang balita ang economic growth ngayong ikalawang bahagi ng taon matapos makapagtala ng mataas na 7.5% growth rate.
Hindi ito nalalayo sa 7.6% na naitala ngayong unang bahagi ng 2013, kaya naman inaasahan na makakamit natin ang mas mataas na paglago ng ekonomiya sa pagtatapos ng taon na 6 hanggang 7 porsiyento.
***
Napag-uusapan ang growth rate, napantayan din ng Pilipinas ang China ngayong second quarter, na itinutu­ring pinakamabilis na mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nation. Naungusan natin ang Indonesia (5.8%), Vietnam (5%), Malaysia (4.3%), Singapore (3.8%) at Thailand (2.8%).
Magandang malaman ang ganitong mga balita dahil pagpapakita ito na hindi nalilihis ang atensyon ng pamahalaang Aquino sa pagpapalago ng ekonomiya ito’y kahit pa abala rin ang gobyerno sa pagsasaayos sa kung papaano gagamitin ang pondo ng bansa sa 2014 at ang masamang epekto sa agrikultura, at imprastraktura ng mga nagdaang kalamidad.
Isipin na lang natin ang pinsala ng nagdaang dalawang bagyo na sumira at lumunod ng mga taniman at palayan, nagpabagsak ng mga tulay at sumira ng mga kalsada.
Hindi ba sayang ang bilyun-bilyon na gagastusin muli ng gobyerno para ipaayos ang nasirang mga imprastraktura na pondo na sana’y magagamit sa iba pang proyekto o programa?
Hindi ba’t sayang din ang mga nasirang palay o mais o saging na malapit nang anihin ng ating mga kababayan na dahil sa kalamidad ay kakailanganin muli nilang umutang ng puhunan at bumangon muli sa dagok sa buhay na kanilang naranasan?
Pero dahil sa magandang takbo ng ekonomiya at katatagan ng pamahalaang Aquino sa tamang paggamit ng pondo ng bayan, may magagamit ang gobyerno upang isaayos kaagad ang mga nasirang imprastraktura, at mabigyan ng ayuda ang mga nasalanta upang matulungan sila sa pagbangon sa kanilang kinalalagyan.
Umasa tayo na pagkatapos ng mga kontrobersya, intriga at kalamidad, kapag nahawi na ang ulap ika nga, lalabas din ang nakangiting sikat ng araw.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: