Wednesday, September 25, 2013

Hubaran ng maskara



Hubaran ng maskara
REY MARFIL



Ngayong papatapos na ang krisis sa Zamboanga City na binulabog ng paksyon ng Moro National Liberation Front (MNLF) ng kanilang dating chairman na si Nur Misuari, dapat managot sa batas ang mga dapat managot pati na ang mga nagmistulang “producer” ng madugong pag-atake sa mapayapang lungsod.
Kung baga sa pelikula, blockbuster ang ginawang pag-atake ng MNLF sa tindi ng naging pagtutok ng mga tao at media hindi lang sa Pilipinas kundi maging ng mga nasa ibang bansa. Bawat araw, inaabangan ang sitwasyon sa Zamboanga na tila teleserye kung kailan magwawakas.
Pero gaya ng mga pelikula o teleserye na may producer para magawa ang mga eksena at mabayaran ang mga artista, malaki ang posibilidad na may nagpondo o gumastos din sa ginawang pagsalakay ng ilang tauhan ng MNLF para maghasik ng lagim sa Zamboanga.
Hindi biro ang matataas na kalibre ng baril na kanilang ginamit, sa dami ng bala at mga pampasabog na inihanda, at maging ng pagkain upang tumagal ang mga ito sa labanan na tumagal na ng dalawang linggo.
Nakakalungkot na marami rin sa mga tauhan ng MNLF ang mistulang ibinala sa kanyon ng kanilang pinuno matapos silang linlangin sa pamamagitan umano ng pangakong pera na kanilang matatanggap bawat buwan kapalit ng pagpunta sa Zamboanga. Baka hindi lang sila ibinala ng kanilang mga pinuno, baka pinagkakitaan pa!
Sa kuwento ni ARMM Governor Mujiv Hataman, pinangakuan umano ni Misuari ang MNLF na tatanggap ng P10,000 bawat buwan kapag naideklara na silang independent ng United Nations matapos magmartsa sa Zamboanga.
Pero sa halip na martsa, sinakop nila ang ilang barangay pagdating sa lungsod at nang-hostage ng kanilang mga kababayang sibilyan. Ang ibang MNLF na kasama na walang kaalam-alam sa tunay na pakay ng kanilang pinuno, nabigla at wala nang nagawa kundi idepensa ang sarili hindi lang sa mga sundalo na makakaharap nila kundi maging sa kasamahan nilang MNLF na maaaring barilin at patayin sila kapag sumuko.
***
Napag-uusapan ang panggugulo, kung sino man ang mga nasa likod at nagmaniobra ng kaguluhang ito sa Zamboanga ay dapat lang mahubaran ng maskara at mapanagot sa batas. Hindi biro ang pinsala sa ekonomiya na inabot ng lungsod at dami ng buhay na nasayang dahil lamang sa pansariling interes ng iilan.
Kapuna-puna lang na bukod sa sinasabing pagmamarakulyo ni Misuari na hindi raw kinonsulta ng pamahalaang Aquino sa isinusulong na usapang pagkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) kaugnay sa hinihimay na Bangsamoro Framework Agreement, nataon ang pagsalakay sa Zamboanga sa panahon na mainit ang usapin tungkol sa mga kasong isinampa sa ilang senador at kongresista at sa negosyanteng si Janet Lim-Napoles, tungkol sa pork barrel scandal.
Sa kabila ng pagtanggi ni Misuari na wala siyang kinalaman sa pagsalakay ng kanilang mga tauhan kahit pa ang namumuno dito ay ang kanilang tapat na kapanalig na si Kumander Malik, tila lahat ng indikasyon batay sa mga paunang impormasyon ng pulisya at militar ay sa kanya papunta ang sisi.
Pero maliban sa mga pangunahing personalidad na ika nga ay nakaharap sa kamera, dapat ding malaman ang mga taong nasa likod ng kamera na nagpaypay sa apoy upang lumaki ang kaguluhan na naging daan para agawin ang atensyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, bago ang pag-atake sa Zamboanga ay nakatuon ang pansin sa paghahanap ng katotohanan sa pork barrel scam, pagpapalago sa ekonomiya ng bansa at pagdepensa sa teritoryo ng Pilipinas laban sa China.
Ngayong papatapos na ang krisis sa Zamboanga, asahan na makakasama na ngayon sa atensyon ni PNoy ang pagba­ngon ng ekonomiya at mamamayan ng lungsod, at paghabol sa lahat ng dapat managot sa nangyaring karahasan.
Teka, bakit nga pala sobrang tahimik ng kampo ni dating Pangulong Gloria Arroyo?
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: