Wednesday, September 4, 2013

Nakasinghot ng katol!



Nakasinghot ng katol!
REY MARFIL


Marami ang tila nagulat sa bilis ng mga pangyayari sa kaso ng kontrobersyal na negosyanteng si Janet Lim-Napoles.
Ilang oras lang ang lumipas mula nang ihayag ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang P10 milyong reward nitong Miyerkules para sa kanyang ikadarakip, bigla siyang sumuko kinagabihan na ikinawindang ng marami.
Linawin muna natin ang istorya bago tayo matangay sa mga alegasyon sa napaulat na anomalya umano sa pork barrel fund o pondo ng mga mambabatas. Si Napoles ay naging wanted dahil sa warrant of arrest na inisyu ng Makati court sa kasong serious illegal detention ng isa niyang dating tauhan.
Walang piyansa na inirekomenda kay Napoles kaya siya nakakulong ngayon kahit pa sinasabing limpak-limpak ang kanyang salapi. Pero ang malinaw nito, hindi tungkol sa pork barrel ang kaso kaya siya pinaghahanap ng batas. Bukod diyan, hindi pa “convicted” ang negosyante sa anumang kasong kinakaharap niya kaya “technically” ay dapat pa rin siyang ituring “inosente”.
Sa pagtanggap ni PNoy na sumuko sa kanya si Napoles, may ilan na nakasinghot yata ng pekeng katol ang biglang naging tamang duda at mabilis na umiral ang pagiging malikhain sa paggawa ng istorya.
Tinalo pa ang mga mahuhusay na scriptwriter ng “My Husband’s Lover” sa paggawa ng mga senaryo tungkol sa umano’y gawa-gawang pagsuko.
Sa halip na matuwa sa ginawa ni PNoy dahil hindi na makakasama si Napoles sa bilang ng mga prominenteng tao na pinaghahanap ng batas, nagawa pa ng ilan na silipin maging ang pagsama ng Presidente sa mga nagdala kay Napoles sa Camp Crame mula sa MalacaƱang upang matiyak ang kaligtasan nito.
Kung tuluyang nawala si Napoles, papaano na ang isinigaw na katarungan ng mga taong nakiisa sa anti-pork barrel protest na One Million March at mga nagalit sa mga social media kung hindi magkakaroon ng tuldok sa kuwento ng umano’y paglulustay sa pondo ng bayan?
***
Napag-usapan ang pagsuko -- kung lalabas naman sa imbestigasyon na solo flight lang sa diskarte si Napoles at naging biktima lang ang mga mambabatas, hindi ba’t mas nararapat din na panagutan niya ang kasalanan? Ang ikinaka-bad trip ni Mang Kanor:
Hindi man lang nabahiran ng konting tuwa sa katawan ang mga “astang-henyo” at “feeling-columnist/journalist” sa Twitter at Facebook dahil nakatipid ang gobyerno, as in walang kumubra ng P10 milyong reward.
Marahil ay naisip din ni PNoy na magiging kontrobersyal ang desisyon na tanggapin niya mismo ang pagsuko ni Napoles. Pero sinabi niya, naging aral sa kanya ang nangyari kay dating General Jovito Palparan, na nagparamdam noon sa kanya na posibleng sumuko pero hindi niya pinagbigyan.
Kabilang sa mga hindi mahanap na prominenteng wanted si Palparan na nahaharap sa mga kasong pagdukot at pagpatay sa sinasabing mga kasapi, at tagasimpatya ng militanteng grupo.
Kung tinanggap kaya ni PNoy ang pagsuko ni Palparan, matuwa kaya ang mga militante sa Pangulo o maggagalit-galitan sila kung bakit binigyan ng ganoong importansya ang retiradong heneral?
Para sa ilang kritiko ni PNoy, hirap silang tanggapin ang katotohanan sa pagiging patas nito kaya siya pinagkakatiwalaan maging ng mga pinaghahanap ng batas.
Kahit naisip niya na magiging kontrobersyal at pagdududahan ang ginawa niyang pagtanggap sa pagsuko ni Napoles, mas nangibabaw pa rin sa Pangulo ang hangarin na umusad ang hustisya at lumabas ang katotohanan sa usapin ng pork barrel fund, na siya rin namang gusto ng mas nakararami.
Ang magagawa lang nating mamamayan sa ngayon, maghintay, maging mapagmatyag at sumama kay PNoy sa pagbabantay upang lumabas ang katotohanan. Ang mga nangyayaring ito ay totoong buhay, hindi hango sa istorya ng mga taong tamang duda.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: