Lubak sa kapayapaan!
Nakalulungkot ang pinakabagong insidente ng karahasan sa Mindanao dahil sa ginawang pagsalakay ng mga armadong tauhan ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa Zamboanga City na nagresulta na sa pagkasawi ng ilang buhay.
Hindi pa lubos na malinaw ang dahilan ng pagsalakay ng mga sinasabing paksiyon sa MNLF ni chairman Nur Misuari pero may mga naghihinala na maaaring konektado ito sa isinusulong na pakikipagnegosasyon ng pamahalaang Aquino sa grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ang pagsalakay na ginawa ng MNLF sa Zamboanga ang pinakabagong insidente ng karahasan sa Mindanao sa nakalipas na ilang buwan. Matatandaan ang nangyaring mga pagsabog sa Cagayan de Oro at Cotabato na nagresulta rin sa pagkamatay ng ilang katao at pagkasugat ng maraming iba pa.
Nakalulungkot na ang mga karahasang ito ay naganap habang binabalangkas ng pamahalaang Aquino at mga opisyal ng MILF ang framework agreement na bubuo sa Bangsamoro entity na papalit naman sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Maganda ang layunin ng pag-uusap ng dalawang panig -- ang makamit ang kapayapaan na matagal nang hinahanap ng mga mamamayan sa Mindanao. Pero sadya nga yatang hindi madali ang daan tungo sa kapayapaan sa rehiyon na ilang dekada nang bugbog sa digmaan ng mga kapwa Pilipino.
Mula sa dating pagiging rebeldeng grupo, nabuo ang usaping pagkapayapaan ng noo’y administrasyon ni dating Pangulong Fidel Ramos at MNLF sa pamumuno ni Misuari. Ngunit hindi kontento ang ilang kasapi ng MNLF sa resulta ng pag-uusap kaya tumiwalag sila at nagtayo ng sarili nilang grupo na kilala na ngayong MILF.
Makaraang ilang taon ng armadong pakikibaka, ngayon ay handa na ang MILF na tahakin ang kapayapaan kasama ang administrasyong Aquino. Ang masaklap, may ilang kasapi naman ngayon ng MILF ang hindi rin nasisiyahan sa negosasyon at kumalas para magtayo rin ng panibagong grupo na nagsusulong din ng armadong pakikibaka.
Taliwas sa napapaulat na reklamo umano ng grupo ng MNLF ni Misuari na hindi sila kinunsulta ng pamahalaan sa pakikipagnegosasyon nito sa MILF, sinabi ni Presidential Adviser for Peace Process Sec. Ging Deles, na ilang pagpupulong at pakikipag-usap ang ginawa nila sa grupo tungkol dito.
Ang masaklap lang nito, habang may grupong nag-aalsa laban sa pamahalaan para igiit ang kanilang kalayaan, ang higit na naapektuhan ay ang mga kawawang sibilyan na sinasabi nilang kasama sa kanilang mga ipinaglalaban.
Hindi na nga mabilang kung ilang pamilya na ang napilitang iwanan ang kanilang tirahan para makaiwas sa labanan; ilang bata na ang naulila sa kanilang mga magulang; ilang ginang ang nawalan ng kanilang mister; at mga magkakamag-anak na pinaghiwalay ng karahasan?
Iisa lang ang hangarin ng lahat ng mamamayan sa Mindanao, magkaroon ng kapayapaan at pag-unlad sa rehiyon tinawag na “lupang pangako”. Hindi man maging madali ang paglalakbay sa daan patungo sa kapayapaan, hindi dapat sumuko ang gobyerno at mga lider ng grupo na pagod na sa ilang dekadang karahasan.
Higit kailanman, ngayon dapat ipakita ng mga mamamayan ang suporta at pakikiisa sa isinusulong na usapang pangkapayapaan ng pamahalaang Aquino sa MILF.
Dapat kondenahin ang anumang hakbang ng mga grupong nais hadlangan ang kapayapaan sa Mindanao dahil lamang sa personal na interes ng iilan. Kung kapayapaan ang hangad nila, walang dahilan para gumamit ng dahas. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment