Wednesday, July 31, 2013

Mas mahusay ang koordinasyon!


Mas mahusay ang koordinasyon!
REY MARFIL

'Mas maganda ang hinaharap ng bansa sa aspeto ng pagpasa ng mga panukalang batas ngayong 16th Congress dahil sa inaasahang mas magandang koordinasyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso (Senado at Kamara de Representantes) at MalacaƱang sa pamamagitan ng Presidential Le­gislative Liaison Office (PLLO).
Ang mga alagad ng pagdududa, nangangamba na magi­ging rubber stamp o tagasunod lamang sa dikta ng MalacaƱang ang Kongreso dahil pawang kaalyado ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang napiling lider ng Kongreso.
Sa Kamara, muling nahalal na Speaker si Quezon City Rep. Feliciano Belmonte Jr., habang sa Senado ay napiling pinuno naman si Senador Franklin Drilon.
Pero kung ang pagdududa ay papalitan ng positibong pananaw, isipin na lang na madaling maisasabatas ng Kongreso ang mga kailangang panukalang batas ni PNoy na sa tingin niya ay makatutulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa o para sa higit na epektibong pamamahala sa ilalim ng tinatawag niyang “daang matuwid”.
Nitong nagdaang 15th Congress, hindi naging maganda ang pagwawakas ng kanilang trabaho. Umabot sa 66 na panukalang batas na inaprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang hindi naging ganap na batas at hindi napakinabangan ng mga mamamayan dahil hindi ito nilagdaan ni PNoy.
Hindi ito nilagdaan ng Pangulo dahil sa mga kuwestiyuna­bleng probisyon na sa tingin niya ay hindi makatotohanan, na sa halip na makabuti ay makasasama sa bansa sa hinaharap.
Kung tutuusin, mano bang pirmahan na lang ni PNoy ang mga panukalang batas na ito at maipatupad, tutal ilang taon na lang ang kanyang termino at ang papalit na sa kanya ang magkakamot ng ulo kapag lumabas na ang epekto ng mga palpak na probisyon.
Ngunit hindi ganito mag-isip ang ating Pangulo. Batid niya na mataas ang ibinigay na tiwala sa kanya ng mga mamamayan kaya naman ang bawat panukalang batas na kanyang pipirmahan ay nais niyang matiyak na tunay na pakikinabangan ng bayan at hindi “pa-pogi” lamang.
***
Napag-usapan ang relasyon ng dalawang kapulungan, ang isa pang sinisisi sa pagkaka-veto ng maraming panukalang batas nitong nakaraang 15th Congress ay ang hindi magkasundong liderato noon ni dating Senate President Juan Ponce Enrile at PLLO Chief Manuel Mamba.
Kapwa mula sa lalawigan ng Cagayan sina Enrile at Mamba, na nagkataong hindi magkasangga sa pulitika. Pero ngayong 16th Congress, malaki ang pag-asa na magiging matiwasay na ang koordinasyon nina Mamba sa mga kaal­yado ni PNoy na sina Belmonte at Drilon.
Sa  State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, ilang panukalang batas na ang inirekomenda niya sa Kongreso na bigyan ng pansin na maipasa. Kabilang na siyempre dito ang P2.268 trilyong 2014 budget; ang pag-amyenda sa Cabotage Law na inaasahang magpapababa sa presyo sa gastusin sa transportasyon sa agricultural products at iba pang industriya; ang pagpasa ng Land Administration Reform bill at Fiscal Incentives Rationalization bill; at pag-amyenda sa Civil Service Code.
Batid natin na mayroon ding sariling mga programa at nakapilang mga panukalang batas na nais unahing maaprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso, ngunit sana lang, unahin nila ang mga panukalang batas na higit na kailangan ng mamamayan tulad ng hinihiling ng Pangulo.
Sana’y hindi masayang ang mataas na trust at satisfaction ratings na natatanggap ngayon ng mga pangunahing lider ng ating bansa at maging ng ating mga institusyon. Mas magiging malakas na sandigan ng mamamayan ang Kongreso at Palasyo ngayon kapag nagsanib sila ng ganap na puwersa.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: