Friday, July 12, 2013

Serbisyo!




Serbisyo!
Rey Marfil


Kahit hindi isagawa ang pagpupulong ng gabinete sa iba’t ibang mga rehiyon sa bansa, hindi nakakaligtaan ng administrasyong Aquino ang pangunahing obligasyon nitong mailapit ang pamahalaan sa publiko.

Sa katunayan, hindi nalilimutan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang pagtungo sa malala­yong mga lugar sa bansa para makadaupang-palad ang mga tao at matiyak na maibibigay ang pangunahing serbisyo sa mga ito.

Hindi lamang ang National Capital Region (NCR) ang binibisita ng Pangulo, nagtutungo rin ito sa ibang mga lugar sa bansa para mapakinggan ang damdamin, saloobin at hinaing ng mga tao at maiparamdam sa mga ito na laging umaalalay ang pamahalaan sa kanilang pakikibaka sa buhay.

Regular rin ang ginagawang pagbisita maging ng mga kasapi ng gabinete sa iba’t ibang panig ng bansa para malaman ang kanilang pangangailangan at masiguro ang mas epektibong pamamahala.

Ngunit, tama rin naman na ikonsidera ang panukalang isagawa ang pagpupulong ng gabinete sa iba’t ibang panig ng bansa katulad ng panukala ng ilang mambabatas.

Ipinanukala ng isang mambabatas kay PNoy na gawin ang buwanang pulong ng gabinete sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas.

Nais naman ng isang mambabatas na gawin ang sesyon ng Senado sa loob ng tig-apat na buwan sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Pero mahalagang masusing pag-aralan nang husto ang panukalang ito dahil mangangailangan ng karagdagang pondo upang maisakatuparan ito nang maayos.

***

Napag-usapan ang serbisyo, malaking progreso na ang narating ng administrasyong Aquino sa usapin ng eliminasyon o pagpapababa ng red tape o mabagal at matagal na pagkakaloob ng serbisyo ng pamahalaan kahit nananatili pa rin itong isang mabigat na hamon.

Ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito upang matiyak na tumutugon ang mga local go­vernment units (LGUs) sa Anti-Red Tape Act.

Sa tulong ng report card survey, maaari nang malaman ng publiko kung tumutugon ang kanilang lokal na pamahalaan sa Anti-Red Tape Act.

Base sa pinakabagong datos ng pamahalaan, mayroong 317 LGUs na nakakuha ng “excellent” ratings sa kanilang report cards, 309 ang may rating na “good”, 60 ang “acceptable”, at 36 ang may “fail” na marka.

Kabilang sa mga reporma ng administrasyong Aquino ang paglaban sa katiwalian at reporma sa burukrasya para mas maging epektibo ang pamahalaan sa pagtugon sa pangangailangan ng publiko.

Sa pagsugpo kasi ng red tape sa pamahalaan, nangangahulugan ito ng mas magandang negosyo at epek­tibong serbisyo sa pamahalaan.

Sa ilalim ng malinis na pamamahala sa tulong ng tuwid na daang kampanya ni PNoy, asahan na natin ang mas malawak at mahusay na serbisyo sa mga susunod na buwan.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”
(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: