Friday, July 19, 2013

Biyaheng Europa na!



Biyaheng Europa na!
REY MARFIL

Hindi ba’t magandang balita ang pagkakaroon muli ng lisensiya ng Philippine Airlines (PAL) na muling lumipad sa Europa matapos alisin ng European Union (EU) ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang nabigong makasunod sa pandaigdigang pamantayan sa kaligtasan ng paliparan?
Sigurado ang positibong kapakinabangan sa bansa ng ulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at mga opisyal ng EU kaugnay sa pagkakaalis natin sa ban kung saan maaari na muling makalipad ang mga eroplano ng PAL sa London, Paris, Rome at Amsterdam.
Mapapalakas rin ang tiyansa ng iba pang airlines na magkaroon ng mahahabang ruta ng paglipad sa kanilang mga eroplano matapos matanggal sa listahan ng blacklist ang bansa dahil na rin sa pagsusumikap ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Tinanggal ng EU ang bansa sa blacklist dahil sa bumuting pamantayan ng pagtiyak sa seguridad ng CAAP at epek­tibong pagtalima ng PAL sa hininging mga regulasyon sa isinagawang on-site safety assessment noong nakalipas na Hunyo 26 ng EU Air Safety Committee na tumalakay sa kaso ng Pilipinas.
Napabilib ang European Commission at Air Safety Committee sa mga aksiyon na isinagawa ng CAAP at mga kompanya ng eroplano sa bansa para tugunan ang panawagan na lalong mapabuti ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga paliparan na patuloy naman nilang babantayan.
Dahil dito, plano ng PAL na lumipad patungong Europa ngayong Setyembre o Oktubre at maaaring magkaroon ng unang paglipad alinman sa Paris, London, Rome at Amsterdam.
Nagsimulang mailagay ang bansa sa blacklist noong 2010. Naganap ang pagkakatanggal ng bansa sa EU ban matapos ring mawala ang Pilipinas sa talaan naman ng International Civil Aviation Organization ng mga nasyon na mayroong tinatawag na significant safety concerns (SSCs) o matinding problema sa seguridad ng mga pasahero.
Sa patuloy na pagsusumikap ng administrasyong Aquino, umaasa ito na maibabalik ng US Federal Aviation Authority (FAA) ang bansa sa Category 1 na estado ngayong taon.
Sa ngayon, nasa Category 2 ang bansa kaya naman hindi mapalawak ng PAL ang operasyon nito sa Estados Unidos.
Kung patuloy na magiging mainam ang lagay ng ating mga paliparan, asahan na natin na lalong mapapabuti ang turismo na isa sa mga industriya na makakatulong upang makamit ang target na pito hanggang walong porsiyentong paglago ng ekonomiya.
***
Hindi lang ‘yan, patuloy din ang maigting na pagsusumikap ni PNoy na maresolba ang problema sa human trafficking sa bansa matapos ang conviction ng 118-katao sa hanay ng 1,519 kaso ng human trafficking na naisampa sapul noong Hunyo 2013.
Ganito ang magandang balita ni Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) Secretariat Atty. Neil Simon Silva sa isinagawang forum kamakailan na may temang “Stop Trafficking Now: Iligtas Ating Kababayan, Human-Trafficking ay Labanan” na inorganisa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ibig sabihin, umiikot ang mga gulong ng hustisya sa ilalim ng matuwid na daang kampanya ni PNoy.
Maganda ring naipataw sa mga salarin ang pinakamabigat na parusang habambuhay na pagkakabilanggo at multang P1 milyon hanggang P8 milyon.
Patuloy rin ang mga programa ng pamahalaan sa pamamagitan ng DSWD sa pagtulong sa mga biktima ng human trafficking sa pamamagitan ng Recovery and Reintegration Program for Trafficked Persons (RRPTP).
Sa ilalim ng programa, pinagkakalooban ang mga biktima ng sapat na mga gabay para sa kanilang pagbangon at pagbabalik sa lipunan, psycho-social counseling, pansamantalang pagkakaloob ng pabahay at iba pang serbisyo.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

No comments: