Monday, July 1, 2013

Tamang pagtugon!



Tamang pagtugon!
REY MARFIL


Maganda ang tugon ng Malacañang sa pagharap sa problemang kinasangkutan ng ilang overseas Filipino workers (OFWs) na napabalitang biktima ng tinatawag na “sex-for-fly” na pakana umano ng ilang mga opisyal ng Embahada sa Gitnang Silangan.
Tama ang paniniyak ng Malacañang na ibigay nito ang kailangang suporta sa OFWs na nakaranas umano ng panggigipit sa dapat sana’y nagbibigay ng proteksyon sa mga ito.
Mabuti rin ang ginawa ng Department of Foreign Affairs (DFA) na agarang kinontak ang OFWs na nakahandang humarap sa imbestigasyon -- isang patotoo kung paano pinuprotektahan ng kasalukuyang administrasyon ang mga OFW at kung gaano ka-seryoso ang pamahalaan para ituwid ang baluktot na pamumuno ng mga tiwaling opisyal.
Kapuri-puri rin ang hakbang ng DFA na pauwiin para humarap sa pagsisiyasat ang ilang consuls generals at ambassadors sa Gitnang Silangan kung saan ipinapakita ng gobyerno ang kahandaang makinig sa bawat reklamo.
Suportado ni Mang Kanor ang paniniyak ng Malacañang na magkakaroon ng parehas at walang kinikilingang pagsisiyasat base sa ipiprisintang mga ebidensya.
Ibinunyag ni Akbayan party-list Rep. Walden Bello ang umano’y sex-for-fly scheme kung saan sinasabing ibinubugaw ng ilang mga opisyal ng embahada ang problemado nating mga kababayang babae para magkaroon ng tiket at agarang makauwi ng bansa.
Hiniling ni Bello kay Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na bumuo ng presidential committee na magsisiyasat sa alegasyon. Nagsasagawa na ng hiwalay na pagsisiyasat ang Department of Labor and Employment (DOLE) at DFA sa problema.
Dahil hindi natutulog ang pamahalaan, aasahan na nating maibibigay ang hustisya sa mga biktima at mapaparusahan ang mga posibleng nagkasala.
***
Anyway, dapat pahalagahan nang husto ng publiko ang paalala ng Malacañang kaugnay sa kahandaan sa sakuna ng bawat pamilyang Filipino para agaran silang makatugon sa emergency lalo’t nagsimula nang pumasok sa bansa ang mga bagyo.
Maganda naman kasi ang pangunahing adhikain ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na magkaloob ng agresibong “information campaign” para ipabatid sa bawat pamilya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng paghahanda sa panahon ng delubyo.
Dahil panahon ng tag-ulan, lubhang napakahalaga ng apela ng Palasyo at kailangang rebyuhin natin ang ating emergency plan para makaiwas sa disgrasya.
Hindi ba’t kapuri-puri ang pagtutok ng pamahalaan para masigurado ang zero-casualty policy sa pagsisimula ng pagbayo ng mga bagyo sa bansa?
Tanging problema lamang, likas sa mga Pinoy ang pagiging matigas ang ulo kaya’t kahit anong panawagan ang gawin ng palasyo, kahit pa maglupasay ang mga local official para pakiusapang lumikas ang malalapit sa estero, meron pa ring pasaway sa mga ito.
Sinang-ayunan din ni Mang Gusting ang kautusan ng Pa­ngulo sa mga ahensya ng pamahalaan na unahin sa programa ang kaligtasan ng mga taong mas posibleng tamaan ng sakuna.
Nakakatuwa rin ang pagtutulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of the Interior and Local Government (DILG) at NDRRMC para mapaghandaan ang mga sakunang posibleng tumama sa panahon ng tag-ulan.
Ibig sabihin, masigasig ang pagsusumikap ng mga opisyal ni PNoy para matiyak ang kaligtasan ng bawat Pilipino.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: