Philippines first! | |
Magandang balita ang hatid sa turismo at negosyo ng Pilipinas ang ginawa ng European Union (EU) na alisin na ang ban sa ating flag carrier na Philippine Airlines (PAL). Dahil dito, maaari na muling bumiyahe ang ating mga eroplano direkta sa mga bansang kasapi ng EU.
Hindi biro ang epekto ng nasabing ban na pinairal noon dahil sa usapin ng kaligtasan at seguridad. Ang mga European na nais magpunta sa Pilipinas para mamasyal o magnegosyo ay dadaan pa muna sa ibang bansa para sa connecting flight papunta sa atin.
Kung isa kang turista o negosyante na ayaw ng malayo at palipat-lipat na biyahe, natural na maghahanap ka lang ng ibang bansa na may direktang biyahe para bawas sa gastos at pagod. Kaya naman sadyang magandang balita ang dulot ng pag-alis ng ban sa EU sa PAL.
Ang muling paglipad ng PAL sa EU ay indikasyon din ng pagsisikap ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP na tiyaking ligtas ang mga naglalakbay nating eroplano. Huwag nating kalimutan na dala-dala ng PAL ang pangalan at bandila ng ating bansa bilang flag carrier.
Asahan natin na ang dagdag na biyahe na ito ng PAL sa EU ay lilikha rin ng dagdag na trabaho, at higit sa lahat, oportunidad sa turismo at negosyo ng bansa.
Sa loob pa lamang ng tatlong taon ng liderato ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, marami nang positibong balita ang nakamit sa sektor ng turismo sa ilalim ng pamamahala ni Sec. Mon Jimenez. Sa malamang, kamag-anak ni Fidel Jimenez ng GMA-7, aba’y kasing-galing!
***
Napag-usapan ang turismo, noong 2012, sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng turismo sa bansa ay umabot sa 4.3 milyon ang ating mga dayuhang turista. Mas mataas ito ng siyam na porsiyento sa 3.9 milyong dayuhang turista na bumisita sa atin noong 2011.
Ngunit higit sa lahat, kahanga-hanga ang ating mga kababayan na masiglang naglibot sa ating bansa na umabot sa 37.5 milyong domestic tourists noong 2011. Ang naturang bilang ng mga lokal na turista ay higit pa sa inaasahan na akalang sa 2016 pa makakamit.
Sadya nang buhay-na-buhay sa ating mga kababayan ang katagang “huwag maging dayuhan sa sariling bayan.” Napakaganda naman talaga ng ating bayan at maraming lugar tayong maaaring pasyalan. Hahayaan ba natin na ang mga dayuhan pa ang unang makakita at humanga sa ating mga ipinagmamalaking pasyalan?
Sa pamamagitan ng pagbisita at pag-iikot sa ating sariling bansa kaysa unahin ang pamamasyal sa ibang bansa, dala-dala rin natin ang isa pang kasabihan na magpapakita ng pagmamahal natin sa ating bayan, ang “Think Philippines first”.
Hindi naman masaya ang mamasyal sa ibang bansa dahil hinihikayat rin naman natin ang mga dayuhan na bisitahin ang Pilipinas na hindi naman nila bansa.
Pero makabubuti kung sa loob ng isang taon ay maglista rin naman tayo ng mga pasyalan sa sarili nating bayan na ating pupuntahan sa halip na sa ibang bansa lamang magpaplanong mamasyal.
Gayunpaman, dahil nga sa kahanga-hangang dami ng mga Pinoy na namasyal sa sarili nilang bayan, nagbigay ng panibagong hamon si PNoy sa DOT ni Sec. Jimenez na itaas na sa 56 milyon ang target na bilang ng mga local tourist pagsapit ng 2016.
Kung magpapatuloy ang magandang takbo ng ekonomiya sa bansa sa ilalim ng pamahalaang Aquino, hindi imposibleng makamit ng DOT ang bagong hamon ni PNoy.
Ipagdasal natin ang patuloy na pagsigla ng turismo ng bansa dahil malaki ang maitutulong nito sa ating ekonomiya, at paglikha ng napakaraming trabaho direkta man o hindi.
Magmula sa pagkuha ng tao para maging empleyado sa mga lugar ng pasyalan, mga construction worker na gagawa ng mga hotel at iba pang establisiyemento, mga hotel staff, receptionist, waiter at iba pa, hanggang sa mga taong nagtitinda ng mga pang-souvenir, at iba pa.
Kapag masigla ang turismo, hindi lang mga Pinoy ang magsasabing “It’s More Fun In the Philippines”, kundi ang buong mundo.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment