Monday, July 29, 2013

Makatwirang tulungan!



Makatwirang tulungan!
REY MARFIL

Sa susunod na taon, higit na malaking pondo ang ilalaan ng pamahalaang Aquino sa Conditional Cash Transfer (CCT) program na ang pangunahing makikinabang ay ang mga pinakamahihirap nating kababayan.
Batay sa isinumiteng 2014 proposed budget ng pamahalaan, gagawing P62.6 bilyon ang pondo para sa CCT program, mas mataas kumpara sa kasalukuyang P44 bil­yon na ginagamit ngayong taon. Pero gaya ng dati, hindi pa rin naman mawawala ang pagpuna sa programang ito ng pamahalaan.
May mga nagdududa kung epektibo ang CCT program sa pag-ayuda sa mga mahihirap. Mayroon ding naghihinala kung tunay na mga mahihirap ba ang nakikinabang sa programang ito na pinamamahalaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Hindi naman itinatanggi ng DSWD na nagkakaroon ng butas sa programa tulad ng pagdoble ng pangalan ng benipisyaryo o mayroong hindi naman karapat-dapat na tumanggap ng pinansiyal na tulong ng gobyerno pero nakatanggap.
Subalit ang mga problemang ito ay tinugunan na ng DSWD at lalo pang pinag-ibayo ang pagsala sa mga kapus-palad nating mga kababayan na karapat-dapat na makatanggap ng suporta mula sa gobyernong Aquino.
At sa susunod na taon, nais pa ng gobyerno na lawakan ang mga mahihirap nating kababayan na maaabutan ng tulong. Kasabay ng pagtaas ng alokasyon para sa CCT program ay ang karagdagan ding benipisyaryo. Mula sa kasalukuyang 3.9 milyong mahihirap na pamilya, aabot na sa 4.3 milyong pamilya ang masasakop ng programa.
Sa ilalim ng programa, tatanggap ng hanggang P1,200 buwanang pinansiyal na tulong ang mahirap na pamilya papatak ng tig-P300 para sa hanggang tatlong anak na hindi hihigit sa 14 ang edad, at P300 para sa ina. Pero, kasama sa kondisyon sa pagtanggap nila ng tulong ay tiyakin na makapag-aaral ang kanilang mga anak.
Sa susunod na taon, masasakop na rin at makatatanggap na rin ng biyaya ng CCT program ang mga mahihirap na walang tirahan. Bukod pa riyan, itataas na rin ang edad ng mga anak ng benepisyaryo na hanggang 18-anyos na.
***
Napag-usapan ang CCT, layunin nito na masuportahan na makapagtapos ng pag-aaral ang mga mahihirap na kabataan na nasa high school. Kung tutuusin, marami naman talagang kabataan ang hindi nakakatapos ng high school dahil sa kakapusan ng pera.
At ang mga mahihirap na kabataan na nakatapos naman ng high school, kadalasang sumasabak na sa trabaho at hindi na nagko-kolehiyo para makatulong agad sa kanilang pamilya. Mayroon naman talagang kumpanya o uri ng trabaho na sapat na ang tinapos sa high school pero maabilidad sa trabaho.
Kahanga-hanga ang mga kabataang nagsisikap na makapagtapos ng high school at nagtatrabaho na para maalalayan ang kanilang magulang sa pagpapaaral sa iba pa niyang kapatid. At kahanga-hanga rin ang mga nagtapos ng high school at nagtrabaho para tustusan naman ang sariling pag-aaral sa kolehiyo.
Hindi man aminin ng ilang kritiko ng CCT program o maging ng mga kritiko ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, may malaking naitutulong ang programa hindi lang para maitawid ang pangangailangan sa pagkain ng mga mahihirap, kundi para mapanatiling nasa loob ng paaralan ang mga anak nila.
Ang paglalaan ng malaking pondo para sa CCT program ay maituturing na pamumuhunan sa ating mga kabataan na magkaroon ng karunungan at maging produktibong mamamayan sa hinaharap, sa halip na ma­ging pasaway at sakit ng ulo ng lipunan.
Marahil kung may nagtatanong kung nasaan ang epekto ng nagaganap na paglago ng ating ekonomiya sa mga mahihirap nating kababayan, masasabi nating isang paraan nito ang CCT program.
Maaaring sa iba ay walang saysay ang CCT program, pero sa mga mahihirap at naghihikahos nating kababayan, ito’y malaking biyaya.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: