Friday, August 2, 2013

Kuntento!



Kuntento!
REY MARFIL

Makatwirang pasalamatan ang masigasig na pagsusumikap ng administrasyong Aquino para maisalba ang bansa sa posibilidad na ma-blacklist sa European Union (EU) at posibleng makabawas ng trabaho sa tinatayang 80,000 marinong Pinoy.
Tiniyak na ng European Chamber of Commerce of the Philippines (ECCP) na walang plano ang EU na ilagay ang Pilipinas sa blacklist lalo’t nagsusumikap ang bansa na makasunod sa pandaigdigang pamantayan sa kaligtasan ng maritime.
Nagmula ang paniniyak mula kay ECCP vice president for external affairs Henry Schumacher na nagpasabi kay Vice President Jejomar Binay na mananatili sa mga barko ng EU ang mga marinong Pinoy.
Magandang balita ito para sa 80,000 mandaragat nating mga kababayan na nangangambang malagay sa alanganin ang kanilang trabaho.
Naunang nagbanta ang EU na isara sa mga marinong Pinoy ang oportunidad sa trabaho dahil sa kabiguan ng bansa na makasunod sa 1978 International Convention on the Standards of Training, Certification and Watchkeeping (STCW) para sa mga mandaragat.
Sa ilalim ng STCW Convention, itinatakda nito ang mga pamantayan sa kuwalipikasyon ng mga opisyal at kawani na magpapatakbo sa mga barko.
Nabigo ang Pilipinas na makasunod sa pamantayan ng EU sa larangan ng edukasyong pang-maritima, pagsasanay at sertipikasyon sa kakayahan base sa naging resulta ng isinagawang pagsusuri ng European Maritime Safety Agency (EMSA) nitong Abril.
Ngunit, nananatili ang maigting na paghahangad at pagsusumikap ng pamahalaan na mahanapan ng solusyon ang problema at makatugon tayo sa itinatakdang pamantayan ng STCW.
Nakatakdang magsagawa muli ang EMSA ng “follow-up” na inspeksyon sa mga eskuwelahang pang-maritima sa Pilipinas ngayong Oktubre at wala pang rekomendasyon o desisyong gagawin hanggang wala pa ang bagong resulta.
Higit na importante rito ang paniniyak ni Maritime Industry Authority (Marina) director for overseas shipping Arsenio Lingad na nakahanda ngayon ang bansa na makapasa sa mga pamantayan ng EMSA.
***
Napag-usapan ang good news, dapat ipagbunyi ang pinakabagong pananaliksik ng Social Weather Stations (SWS) kung saan naitala ang pinakamataas sa kasaysayan na pagiging kuntento ng mga Filipino kung papaano tinatamasa ang demokrasya sa bansa.
Sa isinagawang survey mula Marso 19 hanggang 22, nabatid sa SWS ang tumaas na 74% bilang ng mga Filipino na kuntento sa demokrasya sa bansa sa unang tatlong buwan ng taon na naging dahilan upang malampasan nito ang pinakamataas na naitalang 70% noong Setyembre 1992 at Hulyo 1998.
Mas mataas din ng siyam na porsyento ang pinakabagong rating kumpara sa 65% na naitala noong Marso 2012. Lumalabas din sa survey na mayorya ng 59 porsyento ang nagsabi na talagang mas makakabuti ang demokrasya sa anumang klase ng pamahalaan.
Lumabas naman na 21% porsyento ng mga tumugon sa pananaliksik ang nagsabing mas mabuti ang diktaduryang pamahalaan kumpara sa demokrasya habang 20% ang nagsabing hindi naman usapin o malaking isyu kung demokrasya man o hindi ang pamahalaan.
Nangangahulugan na buhay na buhay ang demokrasya sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa pamamagitan ng kanyang malinis na pamamahala.
Marami naman talaga tayong matagumpay na mga proseso at repormang nangyari sa pamahalaan kung saan natitiyak ang transparency.
Sa tulong ng matuwid na daan ni PNoy, nakakatulong ito upang lalong mapagtibay ang pundasyon at higit pang mapalakas ang demokrasya sa bansa.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: