Kay Ryzza ang ‘Chacha’ | |
Ano ang koneksyon ng eleksyon at Charter Change?
Tuwing ikatlong taon nagaganap ang eleksyon para pumili tayo ng mga bagong mambabatas; at kasunod ng eleksyon na ito ang ingay na muling nililikha ng planong amyendahan ang Saligang Batas o kung tawagin ay Charter Change o ChaCha.
At gaya nga ng kanyang pangako, tinutotoo ng inaasahang magiging Speaker muli ng House of Representatives na si Quezon City Rep. Feliciano Belmonte, Jr. ang paghahain ng resolusyon para isagawa ang ChaCha kahit pa nagpahayag dito ng pagtutol si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Layunin ng ChaCha resolution ni Speaker Belmonte na amyendahan ang ilang probisyon sa Saligang Batas patungkol sa ekonomiya. Nais niya na luwagan ang probisyon sa mga dayuhang namumuhunan tulad ng pagbibigay sa kanila ng pahintulot na makapagmay-ari ng kompanya nang 100% at payagan silang makapagmay-ari ng lupain sa Pilipinas.
Katwiran ng mga sumusuporta na pahintulutan ang mga dayuhan na makapagmay-ari ng lupain, hindi naman daw naiiuwi ng mga dayuhan sa kanilang bansa ang lupa sa Pilipinas. Magandang dahilan pero tama ba namang literal na “ibenta” natin sa mga dayuhan ang ating mga lupa?
Ang masaklap sa usaping ito, kahit walang kinalaman si PNoy sa panibagong hakbang na ChaCha sa Kamara, may ilang kontra-ChaCha na pilit na iniuugnay si PNoy sa ginawa ni Speaker Belmonte.
Hindi naman yata makatwiran na iugnay si PNoy sa ChaCha move ni Speaker Belmonte dahil lamang sa magkapartido sila sa Liberal Party (LP). Bukod diyan, hindi rin dapat sabihin na LP ang may pakana ng ChaCha dahil lamang sa opisyal ng partido ang kongresista.
Dapat na tandaan na mambabatas si Speaker Belmonte at mayroon itong sariling isip at desisyon sa kung ano ang panukalang batas o resolusyon na nais niyang ihain sa Kapulungan. Bukod diyan, co-equal ang Kongreso at Malacañang kaya hindi nanghihimasok ang Pangulo sa usapin ng mga mambabatas.
***
Napag-usapan ang “ChaCha”, malinaw na naman ang posisyon ni PNoy hindi siya naniniwala na kailangang gawin ang pagbabago sa economic provision ng Saligang Batas para lamang makaakit ng mga dayuhang mamumuhunan.
Kung tutuusin, sa loob ng tatlong (3) taong termino ni PNoy ay patuloy ang pag-angat ng ekonomiya ng bansa nang walang ChaCha na isinasagawa. Kung nais talaga ng mga mambabatas na makahikayat ng mga dayuhang negosyante na mamuhunan sa bansa, ang higit na dapat gawin ng Kapulungan ay gumawa ng paraan para mapababa ang singil ng kuryente sa bansa na isa sa mga pinakamahal sa Asya.
Kailangan ding bawasan ang burukrasya o red tape upang mapabilis ang proseso ng pagtatayo ng negosyo sa Pilipinas. Lutasin rin ang problema sa mabigat na daloy ng trapiko at ayusin ang mga proyektong pang-imprastruktura.
Minsan na ring pinuna ni PNoy na ang ekonomiya ng China ay patuloy na lumalago sa kabila ng paghihigpit nito sa mga dayuhang namumuhunan sa kanilang bansa. Patunay lamang na hindi sapat na dahilan ng ilang kongresista para isagawa na ang ChaCha.
Bukod dito, papaano mabibigyan ng katiyakan ang mga mamamayan na talagang economic provision lamang ang kanilang gagawin at hindi nila isasama ang probisyon sa pulitika tulad ng pag-alis ng term limit o pagpapalawig ng kanilang termino?
Bagaman iginagalang ng Malacañang ang kalayaan ng mga mambabatas na maghain ng mga resolusyon at panukalang batas, umasa na lamang tayo na hindi makasisira sa prayoridad ng pamahalaan ang muling pagbuhay sa ChaCha, na tiyak na pagmumulan muli ng matinding balitaktakan at pagkakahati-hati ng mga mamamayan.
Sa totoo lang, mas makabubuting ipaubaya na lang ng mga politiko sa child star na si Ryzza Mae Dizon ang “chacha” dahil marami ang naaaliw kapag sinasayaw niya ito.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment