Harapan! | |
Kahit nangangalahati na o nakakatatlong taon na sa termino si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, tila may iba pa ring opisyal at kawani ng pamahalaan ang hindi nakukuha ang estilo ng kanyang liderato lideratong walang bolahan.
Sa anibersaryo ng National Irrigation Administration (NIA), muling namalas ang pagiging prangka ng ating Pangulo na punahin ang mga kahinaan ng mga taong pinagkatiwalaan niya at inasahan niyang makatutulong sa kanya na maihatid sa mga mamamayan ang pangakong tapat at masigasig na pamamahala.
Kritikal ang papel na ginagampanan ng NIA sa pamahalaan dahil sa kanila nakasalalay ang pagpapatubig sa ating mga taniman o sakahan sa pamamagitan ng paggawa nila ng mga irigasyon. Kung walang bagong patubig na magagawa ang pamahalaaan, aasa na lang sa ulan ang ating mga magsasaka.
Huwag sana nating kalimutan na isa sa mga sinasabing malaking bahagi ng mga walang trabaho sa ating bansa at nasa sektor ng agrikultura. Kaya naman kung mas magiging malawak sana ang lupa na mapapatubigan, mas marami rin ang magtatanim, mas marami ang may hanapbuhay, mas marami ang ating pagkain sa lamesa.
Pero dahil sa hawak na datos ni PNoy na hindi nakakamit ng NIA ang target na taniman na dapat mapatubigan sa nakalipas na tatlong taon, natural na hindi matuwa ang Pangulo.
At sa papaanong paraan nga naman magandang maiparating ang kanyang pagkadismaya sa trabaho ng ahensya, sa mismong okasyon na kung saan present ang lahat ng opisyal at mga tauhan nito sa kanilang anibersaryo.
Kaya naman sa harap ng mga opisyal at kawani, ipinarating ni PNoy ang kanyang diskontento sa trabaho ng ahensya. Kung sa tingin ng ilan ay sapat na ang kanilang ginawa, sa pananaw ng Pangulo batay sa mga datos na hawak niya ay kulang pa.
Ang masaklap pa nito ay kung gagawa ng dahilan ang mga opisyal para lamang mabigyan ng katwiran ang kanilang kabiguan na makamit ang target. Pero ang kaso, mabibisto na naman na hindi kapani-paniwala ang katwiran kaya nadagdagan lang ang atraso nila sa Pangulo.
***
Anyway, hindi naman ito ang unang pagkakataon na may pinuna si PNoy sa isang pagtitipon. May ilan na nagsasabing hindi raw dapat ginagawa iyon ng Pangulo at dapat maghanap ito ng ibang pagkakataon o sabunin nang sarilinan ang opisyal na nais niyang pagalitan.
Ngunit hindi ba mas mabuti na ipakita ng Pangulo sa harap ng publiko, at sa harap ng mismong sangkot na opisyal, ang saloobin niya sa mga bagay na nais niyang magawa nang tama at nasa panahon?
At sa ganito ring pagkakataon, nagiging mensahe rin ito sa iba pang opisyal at ahensya ng pamahalaan na dapat silang magpursige na matupad ang ipinangako nila sa Pangulo at sa mga mamamayan na magagawa nila ang tungkulin o trabaho na iniatang sa kanila.
Kung tutuusin, hindi lang naman puro sermon si PNoy. Pinupuri rin naman niya at pinaparangalan ang mga ahensyang nagawa ang trabaho na inaasahan sa kanila ng Pangulo.
Dapat tandaan na ang sisi sa kapalpakan ng isang ahensya ay babalandra sa Pangulo, gayundin naman ang papuri kung nakapag-deliver nang mabuti ang mga opisyal at tauhan ng pamahalaan. Sa madaling salita, naturang lang na maging bastonero ang isang lider para mangyari ang dapat mangyari.
Ang bawat ahensya ng pamahalaan ay may mahalagang papel na ginagampanan upang makamit ang matagal nang pangarap ng bayan na umasenso ang mga mamamayan. Ang pagpili ni PNoy sa bawat opisyal ng ahensya ay may nakapaloob na malaking tiwala niya sa taong ito, na makatutulong ito upang makamit ang mga mithiin niya para sa mga “boss” ang mamamayang Pilipino.
Kung mabibigo ang napiling opisyal ni PNoy na gampanan nang mahusay ang kanyang trabaho, parang binigo na rin niya ang mga Pilipino. Kaya may dahilan at katwiran ang Pangulo na ipahayag ang kanyang saloobin sa anumang pagtitipon kung magiging daan ito para lalong magpursige ang mga pinagkatiwalaan niya sa kanyang gobyerno.
Anyway, happy birthday sa aking magandang ex-girlfriend at ngayo’y butihing maybahay si Ethel Marfil.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment