Friday, July 5, 2013

Itinutulak!



Itinutulak!
REY MARFIL

Positibo sa interes ng Pilipinas ang plano ng pamahalaan na payagan ang United States, Japan at iba pang mga kaalyado na magamit ng mga ito ang base militar sa bansa sa i­lalim ng kasunduan na magagamit ang puwersa upang labanan ang unti-unting pagsakop ng China sa pinag-aagawang mga teritoryo sa West Philippine Sea.
‘Ika nga ni Mang Kanor: Kailangang matigil na rin ang patuloy na paninindak ng China sa agresibong pagposisyon ng mga tropa nito sa pinag-aagawang mga teritoryo sa tulong ng mga bansang ating kaalyado para mapagsilbihan ang ating interes.
Tiniyak naman ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na hindi gagawa ang Pilipinas ng panibagong air at naval bases. Hindi ito magugustuhan ng China, pero malinaw na matitigil ang kanilang panggigipit at paggamit ng puwersa sa West Philippine Sea.
Kailangan rin naman talaga natin ang pagsasanay sa tubig kasama ang United States (US) kahit sa Panatag Shoal o Scarborough Shoal pa ito lalo’t bahagi naman ang lugar ng exclusive economic zone ng Pilipinas na pilit sinasakop ng China matapos ang halos dalawang buwang maritime standoff noong nakalipas na taon.
Sa pantaha ni Mang Kanor: Kung saka-sakaling aprubahan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang plano, papayagan ng Pilipinas ang US, Japan at ibang mga kaalyado na magkaroon ng “access” sa kasalukuyang base militar sa ilalim ng kasunduang tatalima sa Konstitusyon at Visiting Forces Agreement (VFA).
Dahil mahigpit na ipinagbabawal ng Saligang Batas ng 1987 ang pagtatatag ng base militar, hindi papayagan ng bansa ang konstruksiyon ng nasabing bagong mga istruktura dahil “access” lamang ang kanilang magagamit. Sa kabuuan, kailangan pa ring maresolba sa mapayapang kaparaanan at maging mahinahon.
Ang reklamo naman ni Mang Gusting: Itinutulak ang Pi­lipinas ng China na pumasok sa ganitong kasunduan lalo’t patuloy ito sa pagpapatindi ng tensiyon dahil mistulang nais sakupin ang halos lahat ng mga isla sa West Philippine Sea.
Bilang nagmamalasakit na mga Pilipino, importanteng suportahan natin ang pamahalaan sa planong ito alang-alang sa pagtatanggol ng ating mga nasasakupan.
***
Napag-usapan ang pagiging mahinahon, magandang balita ang desisyon ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na muling mag-usap para sa kapayapaan.
Matapos ang apat na buwang pagkaantala ng negosas­yon, inihayag ni Miriam Coronel-Ferrer, pinuno ng government peace panel, na makikipagkita ang kanyang lupon sa MILF sa maagang bahagi ng Hulyo sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Tatalakayin nila ang annexes kaugnay sa hatian sa kayamanan, kapangyarihan at iba pang mahahalagang detalye ng itatayong Bangsamoro na estado kapalit ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Sa ilalim ng liderato ni PNoy, matitiyak natin ang sinserong intensiyon nito na magkaroon ng isang mapayapang kasunduan sa MILF. 
Positibong balita ito para sa mga Pilipino na naghahangad na wakasan ang armadong pakikibaka ng mga ka­patid nating Muslim at maisulong ang tunay na kapayapaan at kaunlaran.
Kung magbabalik-loob kasi ang MILF sa pamahalaan, inaasahan natin ang mas malawak na kaunlaran sa Mindanao.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: