Wednesday, July 24, 2013

SONA natin!


SONA natin!
REY MARFIL


Kapuna-puna na naging mahaba ang talumpati ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ngayong taon. Pero sa dami ba naman ng magagandang balitang nangyari sa bansa ngayong taon, sadyang mahirap pagkasyahin ang mga ito sa limitadong sandali.
Gaya ng inaasahan, direkta at walang paliguy-ligoy ang laman ng talumpati ng Pangulo. Ang puti ay puti, ang itim ay itim. Pinuri ni PNoy ang mga dapat na purihin dahil sa magandang nagawa, pinuna niya ang mga sa tingin ng ating lider ay may pagkukulang sa kanilang tungkulin at hindi naaayon sa kanyang mithiing “tuwid na daan”.
Tatlong (3) taon mula nang pamunuan ni PNoy ang bansa sa diwa ng pagtitiwala ng mamamayan, nakasandal pa rin dito ang ating Pangulo. Sinabi niya mismo sa huling bahagi ng kanyang talumpati na ang mga tao pa rin ang nagbibigay sa kanya ng lakas at ito’y sa paraan ng pagtitiwala.
Malayo na ang narating ng tiwalang ipinagkakaloob ng mamamayan sa administrasyon ni PNoy. Tiwala na nagsisilbing pundasyon sa daang matuwid na ating tinatahak. At sa kanyang talumpati, inisa-isa ng Pangulo ang mga bunga ng pagkakaisang ito ng mamamayan ng gobyerno.
Pero maliban sa pagganda ng ekonomiya, pagsigla ng turismo, pagbibigay-buhay muli sa agrikultura, pagkakaloob ng suporta sa mga mahihirap at iba pa, kapuna-puna rin ang bagong pag-asa sa matuwid na gawain ng ating mga lingkod bayan.
Kabilang na riyan ang mga pulis na handang tumulong at tuparin ang kanilang sinumpaang tungkulin na tumulong sa nangangailangan.
***
Napag-usapan ang SONA, hindi naman itinago ni PNoy na mayroon pa ring mga alagad ng batas at opisyal ng pamahalaan na hindi lubos na nagtatrabaho para isulong ang kapakanan at interes ng kanyang “Boss”, ang mamamayang Pilipino.
Pagpapakita lang ito na hindi pa tapos ang laban patuloy pa rin ang labanan ng puti at itim sa daang matuwid. Patunay ito na malayo pa ang ating tatahaking landas para makamit ang pinakaaasam nating maginhawang Pilipinas.
Sa tulong ng mga mambabatas sa Kamara de Representantes at Senado, inilatag ni PNoy ang ilang batas na nais niyang mabago o maamyendahan para sa ikabubuti ng pamamalakad sa bayan. Malinaw ang mensahe ni PNoy “SONA n’yo ito”, as in nag-ambagan ang lahat sa pagbabago.
Sa kabila ng mga puna na hindi nakararating sa mga mahihirap ang biyaya ng masiglang ekonomiya, malinaw ang misyon ng Pangulo sa natitirang tatlong taon niya sa puwesto na makamit ang tinatawag na “inclusive growth” o paglago ng ekonomiya mula sa loob ng ating bansa at hindi ng mga dayuhang namumuhunan.
Ngunit kung tutuusin, ang pagpapalawak at patuloy na pagkakaloob ng “pantawid pamilya program” sa milyun milyon nating pinakamahihirap na kababayan, ay maituturing na isang paraan para makarating sa mga kapus-palad nating kababayan ang bunga ng pagsigla ng ekonomiya. 
Dahil sa programang ito, hindi lang sikmura ang nilalamnan ng pamahalaan kundi maging karunungan ng mga bata dahil kasama sa kondisyon ng gobyerno sa mga mahihirap na pamilya ay ang ipasok sa paaralan ang kanilang mga anak.
Walang dudang malaki ang naganap na pagbabago tu­ngo sa ikabubuti ng bansa sa ilalim ng liderato ni PNoy subalit mayroon pa ring puwersa na hindi pa rin nakalilimot sa maling gawain ng nakaraan na pilit haharangan ang tuwid na daan.
Sana lang ay patuloy nating suportahan ang Pangulo sa biyaheng ito tungo sa mas magandang bukas, dahil walang inaasahang pagkukunan ng lakas si PNoy kundi sa kapwa niya mga Pinoy ang kanyang mga Boss.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: