Itinutuwid lang! | |
Asahan ang mas malawak na asenso at karagdagang trabaho nang aprubahan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang pondo para sa P76.56 bilyong halaga ng kasalukuyan at bagong imprastraktura na target matapos sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Anim (6) na pangunahing mga proyekto sa enerhiya, edukasyon, public works, transportasyon at agrikultura ang inaprubahan sa pulong ng National Economic and Development Authority (NEDA) board kung saan ang Pangulo ang tumayong chairman.
Sa ilalim ng “Philippine Rural Development Program” ng Department of Agriculture, layunin nitong mapalaki ang ani sa pagsasaka at pangingisda sa 16 na mga lalawigan na nakakuha ng pinakamalaking pondo na nagkakahalaga ng P27.5 bilyon.
Para sa sektor ng transportasyon, inaprubahan ng NEDA board ang P5.9-bilyong “Philippine Ports and Coast Guard Capability Development Project”, para sa pagbili ng apat na bagong 24-meter patrol boats at isang 82-meter patrol boat.
Siguradong mahigpit na tututukan ni PNoy ang implementasyon ng mga proyekto upang matiyak na walang masasayang na pampublikong pondo.
***
Napag-usapan ang mga aksyon at pagtugon, talagang malalim ang malasakit ni PNoy sa mahihirap na mga tao, lalung-lalo na sa mga tsuper ng pampasaherong mga sasakyan nang lagdaan bilang batas ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013 o Republic Act (RA) No. 10586 na nagbasura sa drug test sa pagkuha ng lisensiya sa pagmamaneho.
Inaasahang P400 ang matitipid ng bawat aplikante dahil sa batas na ito na titiyak rin sa seguridad ng publiko laban sa mga nagmamaneho sa ilalim ng impluwensiya ng alak at droga.
Kailangang mahigpit na maipatupad ang batas, partikular ang Section 19 na nagbasura sa probisyon ng Comprehensive Dangerous Drugs Act o RA No. 9165 na nag-oobliga sa pagkakaroon ng drug test sa pagkuha ng lisensiya sa pagmamaneho.
Hindi naman hangad ng batas na makalibre ang mga gumagamit ng ilegal na droga sa panahong kumukuha sila ng lisensiya sa pagmamaneho.
Pero malinaw na walang silbi ang proseso na ito para hulihin ang mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot dahil 0.06% lamang ang nag-positibo sa milyun-milyong aplikante sa driver’s license na sumailalim sa drug test alinsunod sa datos ng Land Transportation Office (LTO) mula 2002 hanggang 2010.
Sa paningin ni Mang Kanor, naging “gatasan” lamang ng mga kompanyang nagsasagawa ng drug test ang probisyon na ito at pag-aaksaya ng pera dahil hindi naman ito nakakahuli ng mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Maaari kasing hindi muna gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang mga aplikante ng driver’s license sa panahong kumukuha sila nito. Kumbaga, malinis na malinis sila sa panahong kumukuha ng drug test at posible nga namang nagkakalokohan lamang tayo dito.
Kung tutuusin, karagdagang pasakit lamang ang mandatory drug test sa responsableng mga motorista dahil gumagastos pa sila ng P400 para lamang mahuli ang mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot na nakakatakas rin naman.
Bahagi na naman ng panibagong reporma ang batas na ito ni Pangulong Aquino na nagkaroon ng katuparan sa tulong ng kanyang kaalyadong mga mambabatas sa Kongreso.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment