Friday, July 26, 2013

Nagka-memory gap!


Nagka-memory gap!
REY MARFIL


Nakaka-high blood kung totoo ang lumabas na balita tungkol sa umano’y scam o kalokohan sa paggamit ng “pork barrel” funds ng mga mambabatas na sinasabing umaabot sa P10 bilyon na naganap sa loob ng 10 taon.
Kung tutuusin, hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng iskandalo sa pork barrel o Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas na inilalaan ng mga kongresista at senador sa kanilang mga napipiling proyekto.
Ang kakaiba lang sa akusasyon ngayon, lumilitaw na may isang personalidad na sinasabing gumagamit ng mga pekeng NGOs para pagdaanan ng pondo ng mga mambabatas upang maisagawa ang pagkupit sa pondo ng bayan.
Napakaseryoso ng akusasyon lalo pa’t napakalaking pondo ng bayan ang pinag-uusapan. Kaya naman si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, iniutos sa National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng malalim at patas na imbestigasyon tungkol dito.
Mahirap nga naman na basta na lamang patulan ang mga akusasyon laban sa paggamit ng mga mambabatas ng kanilang pondo kung wala namang sapat na katibayan.
At lalong mahirap na magpadalus-dalos sa pagdedesisyon na pakinggan ang ilang mungkahi na buwagin o iti­gil na ang pagkakaloob ng pork barrel sa mga mambabatas.
Kung tutuusin, batay sa mga lumabas na ulat, sinabing nasa 28 mambabatas na kinabibilangan ng limang (5) senador ang umano’y nakunan ng pondo para sa scam. Pero ilan ba ang lahat ng mambabatas natin? Bukod sa 24 na senador, mayroon pa tayong mahigit 270 kongresista.
***
Napag-usapan ang pork barrel -- ang mga senador ay mayroong alokasyon na tig-P200 milyon PDAF bawat taon, habang tig-P70 milyon naman sa bawat kongresista. Kung pagbabasehan ang 28 mambabatas na idinadawit sa scam, napakaliit nito kung ikukumpara sa bilang ng halos kabuuang 300 mambabatas.
Kung totoo ang alegasyon ng pork barrel scam at ititigil ang pagpapalabas ng PDAF, papaano naman ang hi­git na nakararaming mambabatas na gumagamit nang tama sa kanilang PDAF at nakatutulong sa kanilang mga nasasakupan?
Maraming mambabatas ang naglalaan ng bahagi ng kanilang PDAF para magpaaral ng kanilang mga kababayan o kaya naman ay medical assistance upang makatulong kahit papaano sa mga mahihirap na may karamdaman.
Kaya naman makatwiran at tama ang naging pasya ni PNoy na alamin ang katotohanan sa naturang alegasyon kaysa magpadala sa emosyon at opinyon na batay lamang sa lumalabas na ulat na nagmula sa mga nagpapalitan ng akusasyon.
Ang mahirap lang dito, mayroon pa ring ilang sektor na pilit na idinadawit ang Palasyo sa naturang kontrobersiya. Gaya na lang ng lumabas na ulat na may ipinadalang sulat daw kay PNoy ang isa sa mga sangkot sa iskandalo.
Nakasaad umano sa sulat na humihiling kay PNoy na ilibre sa asunto ang taong sangkot sa umano’y pork barrel scam isang media spin upang ilihis ang isyu.
Ngunit kung tutuusin, lahat naman ng tao ay maaaring gumawa ng sulat para kay PNoy at ipadala sa Palasyo. Hindi rin imposible na gumamit ng ibang pangalan ang magpapadala ng sulat at mag-imbento ng kung anoman ang nais niyang sabihin dito.
Ang malinaw lang dito, ang sinasabing anomalya sa paggamit ng pondo ng PDAF ay hindi nangyari sa kasalukuyang administrasyon, maliban kung tuluyang “nagka-memo­ry gap” ang mga kritiko dahil nasobrahan sa pork.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: