‘Wag pasilaw! | |
REY MARFIL
Isa na namang kababayan natin ang nabitay sa China sa pamamagitan ng lethal injection dahil sa pagpupuslit doon ng iligal na droga.
At gaya ng dati, muling nabanggit ang sinasabing African drug syndicate na nagre-recruit sa ating mga kababayan para gawin ang iligal na gawain kapalit ng malaking halaga.
Hindi naman nagkulang ang ating gobyerno na bigyan ng legal na tulong ang ating kababayan para maipagtanggol niya ang sarili laban sa akusasyon. Pero tila mabigat ang katibayan sa kanya ng China dahil naitala na ilang ulit na siyang pumasok sa nabanggit na bansa bilang turista.
At dahil lumilitaw na hindi na iyon ang unang pagkakataong magpasok sa China ng iligal na drogang heroin nang mahuli noong 2011, ipinataw sa kanya at sa kasama niyang pinsan ang pinakamabigat na parusang kamatayan.
Pero hindi katulad ng Pinay na naisalang na sa bitayan, ang pinsan niya ay nabigyan ng reprieve ng dalawang taon. May pagkakataon pang mapababa ang hatol sa kanya kung makikitaan siya ng magandang pag-uugali sa loob.
Kung hindi tayo nagkakamali, first time niyang ginawa ang pagpuslit ng droga sa China kaya marahil binigyan siya ng pagkakataon na kahit papaano ay humaba ang buhay.
Iyon nga lang, may ibang tao na binibigyan ng maling kahulugan ang pagsisikap ng pamahalaang Aquino na maisalba ang buhay ng ating mga kababayan na nahaharap sa bitayan dahil sa kasong iligal na droga.
Hindi raw dapat makialam ang pamahalaan sa hatol na kamatayan sa mga Pinoy drug mule at hayaan na lamang ang mga ito na maturukan ng likidong pampapantay ng paa at wala nang gisingan. Mali naman yata iyon.
Sa ilalim ng Saligang Batas, nakasaad na kailangang ipagtanggol at pangalagaan ng estado ang lahat ng mamamayang Pilipino, nasa loob man o nasa labas ng bansa. Hindi nakasaad sa Saligang Batas ang probisyon na hayaan na mamatay ang mga Pinoy drug mule dahil galit din tayo sa mga nagkakalat ng droga sa Pilipinas.
***
Napag-usapan ang Pinay drug mule, ang ginagawang pag-apela ng pamahalaan sa mga bansang may Pinoy na nasa death row ay para iapela lamang ang kanilang buhay, hindi ang kanilang sentensiya.
Ibig sabihin, nais lamang ng pamahalaan ng Pilipinas na pagdusahan ng kababayan nating drug mule ang kanyang kasalanan sa loob ng kulungan, hindi sa loob ng ataul at nitso.
Gaya rito sa atin, ang mga nahahatulan ng pinakamabigat na parusa ay habambuhay na lamang maghihimas ng malamig at may kalawang na rehas dahil wala naman tayong parusang kamatayan.
Kung tutuusin, hindi naman magaang na parusa ang life imprisonment dahil hindi ka naman makakapunta ng mall o Disneyland sa Hong Kong.
Pero dahil walang maisip na pambatikos kay Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang ibang kritiko niya, pilit silang mag-iisip ng maipupuna kahit naman batid nila sa kanilang sarili na mali ang kanilang paratang.
In short, masabi lang na may nasabi sila sa isyu.
Gayunpaman, hindi na natin maibabalik ang buhay ng ating kababayang nabitay na. Ngunit para hindi masasayang ang kanyang kamatayan at ng iba pang Pinoy drug mule na nabitay sa ibang bansa, dapat na magsilbing aral sa iba ang kanilang sinapit at hindi na sila tularan.
Dahil sinasabing malaking halaga ang iniaalok ng mga sindikato kapalit ng pagpayag na maging drug mule, may ilan tayong kababayan na nasisilaw sa tawag ng pera. Ngunit bago isipin ang malaking halaga, tandaan na hindi ito makasasapat sa sandaling mahuli kayo sa ibang bansa.
Hindi matutumbasan ng kikitain sa pagiging drug mule ang inyong buhay, at ang pighati, trauma, at konsensiyang mararamdaman ng mga mahal niyo sa buhay na maiiwan.
Maaaring hindi ka na makakaramdam ng alalahanin o emosyunal na pahirap dahil dedo ka na, pero papaano ang mga maiiwan mo na habambuhay na dadalhin sa kanilang isipan ang masaklap mong sinapit dahil sa katwirang naging drug mule ka para mabigyan lamang sila ng masarap na buhay?
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com
|
Monday, July 8, 2013
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment