Wednesday, February 17, 2016

Paninindigan sa agawan! REY MARFIL



Paninindigan sa agawan!
REY MARFIL

Sa pagdalo ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-US Summit ngayong linggo, asahan na magiging pangunahing pakay niya sa pakikipagpulong sa iba pang lider ng mga dadalong bansa ang usapin ng maritime security bunga ng agawan sa teritoryo sa West Philippine at South China Sea.
Bukod kay US President Barack Obama, dadalo sa naturang pulong ang mga ASEAN leader kaya magandang pagkakataon na muling ipaalala ni PNoy sa mundo ang nangyayari sa mga pinag-aagawang teritoryo lalo pa’t kamakailan lang ay nagsagawa na ng test flights ang China sa mga ginawa nilang isla sa bahagi ng karagatan na inaangkin nating mga Pilipino.
Hindi man masyadong napag-uutunan ng pansin sa kasalukuyang kampanya, dapat suriin at bantayang mabuti ng mga mamamayan ang gagawing paliwanag ng mga kumakandidato sa halalan ang kanilang posisyon sa usaping ito at isama bilang basehan sa pagpili ng ating susunod na mga lider at mga mambabatas. 
Dahil sa nakatakdang pagtatapos ng termino ni PNoy sa katapusan ng Hunyo, dapat matiyak natin na susuportahan at ipaglalaban ng mga susunod nating mga lider ang karapatan natin sa pag-angkin sa mga pinag-aagawan­g teritoryo.
Sa ngayon, wala pang katiyakan kung kailan ilalabas ng UN Arbitration panel ang desisyon nila sa ini­hain nating reklamo laban sa ginawang pag-angkin ng China sa mga bahagi ng West Philippine at South China Sea, na sakop ng teritoryo natin.
Bukod pa diyan, bagaman pinapaniwalaan ng ilang tagamasid na angat ang posisyon ng Pilipinas sa inihaing protesta ng pamahalaang Aquino laban sa pambabarako ng China, wala pa rin naman katiyakan na papaboran ng bonggang-bongga ng UN Arbitration panel ang mga Pinoy sa usapin ng agawan ng teritoryo.
***
Kaya naman mahalaga at dapat maging bahagi ng diskurso sa kampanya ngayong halalan, kung ano ang gagawin ng mga tumatakbo sa mataas na posisyon sa pamahalaan sa usapin ng West Philippine at South China Sea.
Ipagpapa­tuloy ba nila ang pag-angkin natin sa mga pinag-aagawang teritoryo?
O papayag ba silang makipag-areglo sa China? Kung makikipag-areglo sila, dapat nilang ipaliwanag kung bakit at anong pakinabang ang idudulot nito sa ating bansa?
Magandang pagkakataon at hindi talaga dapat saya­ngin ni PNoy ang pagdalo sa ASEAN-US Summit.
Dito ay maipapaalala nga ng pangulo ang matapang na posis­yon ng kaniyang pamahalaan sa isyu ng maritime dispute at hindi siya nagpasindak sa mas higanteng bansang China.
Pero kahit palaban ang posisyon ng gobyerno, idinaan naman natin ito sa mapayapang paraan sa pamamagitan ng US Arbitration panel.
Kailangang ipaalala rin sa mga bansang kasapi ng ASEAN na panahon na para magkaroon ng legally bindin­g Code of Conduct in the South China Sea, na matagal nang nauudlot.
Ang code of conduct na ito ang magpapakita ng pagkakaisa ng mga bansa laban sa sino mang bansa na mangangahas na maghari-harian at nais na sakupin ang pinag-aagawang teritoryo.
Maliban sa pagpapaala sa mundo tungkol sa kinakaharap natin laban sa West Philippine at South China Sea, magandang pagkakataon din ito para kay PNoy na isulong ang kapakanan ng Pilipinas para sa ekonomiya at seguridad laban sa banta ng terorismo.
Asahan sa pag-uwi ni PNoy, may bitbit siyang magandang balita mula sa mga pulong sa Amerika lalo pa’t kabilang sa mga malalaking kompanya na makakausap niya sa Amerika na bahagi ng kaniyang official visit ay ang The Walt Disney Co. .Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”
(Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/feb1716/edit_spy.htm#.VsSIXvkrLIU

No comments: