Friday, February 19, 2016

Kakaba-kaba ka ba, China? REY MARFIL



Kakaba-kaba ka ba, China?
REY MARFIL

Sa pagpupulong ng United States at 10-bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na kinabibilangan ng Pilipinas, tila lumabas na naman ang pagiging insecure ng nambabarakong China.

Pero sa totoo lang, may dahilan para mangamba kung sakali ang China dahil sa pulong na ito na ginawa sa balwarte ng Amerika. Dumalo rin kasi sa imbitasyon ni US Pres. Barack Obama maging ang dalawang bansa na kilalang kaalyado ng China -- ang Cambodia at Laos. 

Maliban sa Pilipinas, miyembro rin ng ASEAN ang Vietnam, Brunei, at Malaysia, na pawang binabarako ng China sa pag-angkin ng halos buong West Philippine at South China Sea, sa pamamagitan ng kanilang made in China na “nine-dash-line”.

At habang nag-uusap sina Obama at mga katropa niyang mga lider sa ASEAN, ang China naman, parang batang walang kalaro na nagmamarakulyo. Aba’y biruin mo ba naman, kinuha ang “laruan” niyang surface-to-air missile system at inilagay sa isa sa mga ginawa nilang isl­a sa South China Sea.

Ano kaya ang gustong palabasin ng China sa ginawa nilang ito, manakot o naghahamon?; na para bang, “sige, magkampihan kayo, away-away tayo”.

Ang nakakatawa pa rito, minsan pang napatunayan kung bakit hindi mapagkakatiwalaan ang China.
Aba’y iba kasi ang kanilang sinasabi sa kanilang ginagawa. Habang nagpupulong kasi sina Obama at mga lider ng ASEAN countries sa Amerika, lumabas ang impormasyon na naglagay ng surface-to-air missile system ang Chin­a sa isa sa mga isla sa South China Sea.

Noong una, itinanggi pa ng China ang impormasyon at sinabing nang-iintriga lang ang pinagmulan ng balita. Pero nang mismong ang Taiwan defense ministry na ang nagkumpirma, biglang nagbago ng tono ang China. Sakop naman daw nila ang lugar kaya makagagawa nila ang nais nilang gawin.

Bukod sa pagsisinungaling ng China sa paglalagay ng surface-to-air missile system, ang pagkakaroon ng ganitong uri ng malakas na sandata ay patunay sa balak ng China na militarisasyon sa naturang bahagi ng karagatan na dapat ay malaya sa lahat ng uri ng naglalayag na barkong pangkomersiyo.

***

Maliban sa pagkontrol sa biyahe sa karagatan, nais din ng China na kontrolin ang paglipad ng mga eroplano sa bahagi ng naturang karagatan. Ano kaya ang gagawin ng China sa mga eroplanong mapapadaan sa himpapawid, pababagsakin nila gamit ang kanilang missile?

Dahil nais ng US na subukin ang ‘di kaiga-igaya at seryosong plano ng China na kontrolin ang paglalayag at himpapawid sa pinag-aagawang teritoryo, napapanahon ang ipinatawag na pulong ni Obama sa mga lider ng ASEAN countries para makakuha ng suporta sa panawagan na huwag nang palalain pa ang sitwasyon sa rehiyon. 

Nauna nang naiulat na planong magsagawa ng pagpapatrolya ng US at iba pang kaalyado nitong bansa sa pinag-aagawang teritoryo upang mapangalagaan ang karapatan ng lahat sa pagdaan sa naturang bahagi ng karagatan at himpapawid ng walang sinumang magdidikta.

Walang makapagsasabi kung saan hahantong ang ginawang paglalagay ng isla ng China sa West Philippine Sea at South China Sea, lalo pa ngayon na mayroon nang missile doon. Walang nakakaalam kung ano ang mangyayari kapag itinuloy ng US ang pagpapatrolya sa pinag-aagawang teritoryo. 

Pero maiiwasan ang anumang kaguluhan, dapat makinig ang China sa panawagan ni Pangulong Aquino.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/feb1916/edit_spy.htm#.VscRqfkrLIU

No comments: