Friday, February 12, 2016

Maayos na kaban ng bayan REY MARFIL


Maayos na kaban ng bayan
REY MARFIL


Isa sa mga maipagmamalaki ni Pangulong Noynoy Aquino III sa pagbaba niya sa puwesto sa katapusan ng darating na Hunyo ay nasa maayos ang kaban ng bayan at matatag ang ekonomiyang daratnan ng magiging bagong lider ng bansa.
Hindi biro ang usapin ng pondo sa pamamahala o pagpapatakbo ng isang pamahalaan -- malaki man o maliit. Ang pondo ang nagsisilbing gasolina ng sasakyan para tumakbo, o dugo ng tao para mabuhay.
Kahit nga sa isang relasyon, sinasabing “no mone­y, no honey”.
Kaya naman mapalad ang susunod na pangulo dahil nakalatag na ang mga reporma sa koleksiyon ng buwis na ipinatupad ni PNoy. Kabilang na riyan ang sin tax law na ilang administrasyon na ang nagdaan na hindi naisabatas, pero ang Aquino government lang ang nagkaroon ng “political will” na ipasa.
Sa pamamagitan ng batas na ito, naitaas ang kinokolektang buwis sa sigarilyo at alak para madagdagan ang pondong inilalaan sa mga programang pangkalusugan ng mga mamamayan. At batay sa datos ng Bureau of Internal Revenue (BIR), mula Enero hanggang Disyembre ng 2015, ang kita sa excise tax reform law ay lumaki ng 23 porsiyento o P48.09 bilyon.
Batay sa impormasyon mula sa Finance Department, dahil sa maayos na koleksiyon ng buwis, ang total revenue ng gobyerno noong Enero hanggang Nobyembre 2015 ay nasa P1.95 trilyon. Mas mataas ito ng 12 porsiyento kumpara sa nalikom na buwis sa kaparehong panahon noong 2014. 
***
Maliban sa mga dagdag na pagkukunan ng kita ng gobyerno, binarahan na rin ng administrasyong Aquino ang mga butas sa sistema ng paggamit ng pondo ng gobyerno na maaaring inabuso ng nagdaang liderato. Kabilang sa mga repormang ito sa budget ang tinatawag na GAA-as-Release Document (GAARD), na paggamit ng Performance Informed Budgeting (PIB), at paglikha ng Full-Time Delivery Units (FDUs). 
At dahil maayos nang nagagastos ang pondo ng bayan, nakapaglalaan na ng sapat na pondo ang gobyerno para sa mga kinakailangang programa at proyekto na higit na kailangan ng mga mamamayan. Gaya na lang halimbawa ng ipinatutupad na Bottom-Up Budgeting (BuB) program, kung saan ang direktang makikinabang ay 1,590 siyudad at munisipa­lidad.
Sa ilalim ng naturang programa, may nakalaang pondo ngayong 2016 ng mahigit P20 bilyon na ang magpapatupad ay ang mga lider ng lokal na pamahalaan para sa tinatayang 14,000 proyektong kailangan ng kanilang nasasakupan. At dahil sa kagandahan ng programang ito, kinilala ng Global Initiative for Fiscal Transparency (GIFT) ang BuB program bilang isa sa limang “Best Practices in Fiscal Transparency” sa buong mundo.
Sa isang ulat, inihayag ng Moody’s Investors Service, na tiwala silang makakapagtala ang Pilipinas ng 6 porsiyentong paglago ng ekonomiya ngayong taon, na mas mataas sa 5.8 porsiyentong naitala nitong 2015.
Bukod sa masiglang kalakalan at malaking tiwala ng mga dayuhang namumuhunan, marami pang malalaking proyektong nakalinyang ipasusubasta sa ilalim ng Public Private Partnership (PPP) scheme ngayong taon. Kaya naman inaasahan na hindi magiging matamlay ang ekonomiya ng bansa na ipamamana ni PNoy sa lider na papalit sa kanya.
Kaya naman dapat samahan ng dasal ang gagawing pagboto sa Mayo na sana ang mahalal na kapalit ni PNoy ay ipagpapatuloy ang mga nasimulan niyang pagkilos para sa ikabubuti ng bansa at hindi lang ng sarili. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/feb1216/edit_spy.htm#.Vr3S9PkrLIU