Friday, February 26, 2016

Malinis at tunay na resulta ng halalan REY MARFIL



Malinis at tunay na resulta ng halalan
REY MARFIL


Pagkaraan ng maraming taon, mabuting nagkaroon muli ng debate ang mga kandidato sa panguluhang halalan nitong nakaraang Linggo. At magandang simboliko rin na ginawa ito sa kauna-unahang pagkakataon sa Mindanao, sa labas ng itinuturing ng iba na “imperial Manila”.

Sa kabila ng ilang puna tungkol sa sistema at ng tanong sa debate, ang mas mahalaga ay nagkakaroon ng pagkakataon ang publiko -- lalo na ang mga botante, na makilatis ang mga nais mamuno sa ating bayan sa loob ng susunod na anim na taon. Sa laki ng pagbabagong naipatupad ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa ikabubuti ng ating bayan, kailangang pag-isipan nating mabuti ang ating iboboto para hindi masayang ang tinatamasa nating kaunlaran ngayon.

Aba’y kahit nagkakaroon ng paghina ng ekonomiya sa ibang malalaking bansa gaya ng China, nananatili tayong matatag. Dumami na ang nagkakatrabaho at tumaas pa ang suweldo sa mga kawani sa gobyerno at maging sa ilang pribadong sektor. Kabi-kabila rin ang mga ginagawang proyektong pang-imprastruktura na makatutulong sa paglutas sa problema ng trapiko at pagbaha kapag natapos.

Bukod dito, nananatiling mataas ang kompiyansa ng mga dayuhang namumuhunan at mga financial institution sa ating bansa. Kaya naman nasa magandang kalagayan ang Pilipinas kapag ipinasa na ni PNoy ang pamamahala sa susunod na lider. Gayunman, maaaring magbago ang lahat ng ito kapag hindi naging malinis at hindi pinaniwalaan ng mga tao ang magiging resulta ng May elections, bagay na hindi dapat hayaang mangyari ng Commission on Elections.

Batay na rin kasi sa survey ng Pulse Asia, bagaman 48 porsiyento ng mga tinanong ang naniniwalang magiging malinis at kapani-paniwala ang resulta ng halalan sa pamamagitan ng automation counting ng mga boto, 15 porsiyento naman ang hindi naniniwala at 36 porsiyento ang hindi makapagdesisyon.

Kung pagsasamahin ang mga hindi makapagdesisyon at mga hindi naniniwala, lalabas na higit kalahati ng populasyon ng mga botante ang alanganin sa magiging integridad ng halalan.

***

Bukod diyan, lumitaw din sa survey na 4 sa 10 o 39 porsiyento ng mga botante ang inaasahan na magkakaroon ng dayaan. At pinakamarami ang naniniwala na magaganap ito sa paraan ng bilihan ng boto, at paggalaw sa mga voting machine.

Sa mga pag-analisa ng mga miron sa pulitika, naniniwala sila na magiging dikit ang labanan sa mga kandidatong pangulo. Kung tama sila, higit na dapat tiyakin ng Comelec na nakasalpak ang lahat ng mga paghahanda para maalis ang anumang pagdududa na magkakaroon ng kahit anumang paraan para hindi mabilang nang tama ang mga boto.

Kailangan din na ipaliwanag ng Comelec nang mabuti kung bakit hindi na kailangan ang pagpapalabas ng resibo sa voting machine, na magiging garantiya na tama ang ginawang pagbasa ng makina sa ibinoto ng tao. Bakit kasi hindi natin gamitin ang isang sistema na makatutulong para matiyak na malinis ang halalan? 

Ano ba naman kung makadagdag ito ng hanggang limang oras sa botohan, na kung tutuusin sa lumang sistema na mano-manong bilangan ay inaabot tayo ng ilang linggo sa paghihintay ng resulta ng halalan.
Dapat magsilbing paalala sa Comelec ang nangyari sa isang presidential elections, na dahil sa alegasyon na nagkaroon ng pagmanipula sa resulta ng halalan, humina ang tiwala at suporta ng mga tao sa nakaupong pangulo hanggang sa sumadsad ang kanyang popularidad at performance ratings hanggang sa pagbaba niya sa puwesto.

At kapag nasa alanganin ang kapangyarihan ng nakaupong pangulo, may posibilidad na makagawa siya ng mga desisyon at patakaran na kahit hindi makabubuti sa higit na nakararami ay gagawin niya basta popular lang upang mapasaya ang iilan at manatili sa kapangyarihan.

Sana magawa ng Comelec ang hangarin ni Pangulong Aquino na itinuturing niyang huling layunin ng kanyang administrasyon, maging mapayapa, malinis at maiupo ang kandidato na siyang tunay na inihalal ng higit na nakararami.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/feb2616/edit_spy.htm#.VtBcgPkrLIU

No comments: