Napapanahon at makabuluhan | |
REY MARFIL |
Bukod sa mga nalikhang trabaho, ang isa pang bunga ng magandang lagay ng ekonomiya ng bansa sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ay ang malaking tiwala ngayon ng mga dayuhang financial institution na pautangin ang Pilipinas na kahit malaking halaga at mas maliit na tubo.
Sabi ng mga nakatatanda, hindi maganda ang mangutang.
Tama naman iyon kung personal na pakinabang ang pag-uusapan.
Subalit kung sa isang korporasyon at gobyerno, hindi masama ang mangutang kung gagamitin sa tamang paraan upang mapalago pa ang kapital ng kumpanya o pondo ng gobyerno.
Noon pa man, nangungutang na ang Pilipinas sa labas ng bansa tulad sa mga pandaigdigang institutsyon ng pananalapi. Kaya naman kahit hindi pa presidente si PNoy, ay baon na tayo sa utang.
Biru-biruan nga na kahit ang mga Pinoy na hindi pa isinisilang ay may utang na.
Simple lang naman ang kaibahan ng personal na utang sa utang ng korporasyon o ng gobyerno.
Sa personal, sarili mo ang makikinabang at kung mali ang dahilan ng iyong pag-utang, malamang na hindi ka makapagbayad at marimata ang iyong ipinangprenda o kolateral para makabawi ang iyong pinagkakautangan.
Ngunit sa isang malaking kompanya o gobyerno, sadyang natural ang pag-utang para magkaroon ng dagdag na kapital o pondo para magamit sa pamamalakad.
Halimbawa, hindi sapat o sakto lang ang kita sa buwis at koleksiyon sa itinakdang pondo sa isang taon, kakailanganin na mangutang para may mailaan sa programa o proyekto, at hindi na magalaw ang pondo na laan naman sa serbisyo at sahod ng mga empleyado.
Ang masaklap nga lang, may mga liderato na inabuso ang bagay na ito na nangutang nang nangutang kahit hindi maganda ang lagay ng ekonomiya, at hindi lubos ang tiwala ng mga nagpapautang sa kanilang kakayahan na magbayad sa takdang panahon.
***
Sa sitwasyong ganito, simple rin lang naman ang paliwanag sa sistemang ipinapatupad ng mga nagpapautang -- kung ‘di stable ang ekonomiya ng bansang nangungutang, natural na hihingi sila ng mataas na interest o tubo.
Bukod doon ay maliit lang ang pondo na kanilang ipapahiram.
At kapag nangutang muli si palpak na gobyerno, hihirit si nagpapautang na mataas muling tubo, at ang masaklap pa, isasama pa nila sa kondisyon na dapat iawas sa kanyang ipapautang ang tubo na hindi pa niya nabayaran sa una niyang utang.
Kaya naman may mga utang na ipinambayad lang sa tubo ng unang nautang at wala nang naitabi para pakinabangan ng bayan.
Pero kung noon ay hirap ang mga dating gobyerno na mangutang at mataas ang tubo na ibinibigay ng mga nagpapautang, hindi na ngayon.
Dahil sa napaganda ni PNoy ang lagay ng ekonomiya ng bansa at nagkaroon tayo ng sunud-sunod na positibong credit ratings mula sa mga dayuhang financial institution, nagawa ng kasalukuyang pamahalaan na nakakuha ng $2 bilyon loan mula sa global bond offer sa international markets sa nakapaliit na interes at mahabang termino ng maturity.
Paliwanag ng Department of Finance, ilalaan ang $1.5 bilyon nito sa pagbabayad sa mga dati nang naipon na utang at ang balanseng $500 bilyon ay idadagdag na pondo na magagamit sa kakailanganing programa o proyekto para sa bayan.
Bukod dito, dahil sa naging mahusay na pamamahala sa pananalapi, koleksiyon at tamang paggastos ng gobyerno Aquino sa pera ng bayan, nabawasan na ang pag-utang at pagsandal natin sa mga dayuhan para madagdagan ang pondo ng bayan.
Sana lang ay maipagpatuloy ng susunod na pangulo ang mga nasimulan na ni PNoy para lalo pang mapalakas ang kakayahan nating pondohan ang sarili natin.
Hindi naman ito malayong mangyari, mula nga sa dating pang-85, naging pang-47 tayo sa World Economic Forum’s Global Competitiveness Index, at mula sa pang-148 ay naging pang-103 sa World Bank’s Ease of Doing Business Index.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”.
(Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/feb2916/edit_spy.htm#.VtRmk_krLIU