Pelikulang may katuturan | |
REY MARFIL |
Isang pelikulang Pilipino ang palung-palo ngayon sa mga manonood at may tatlong linggo nang ipinapalabas sa mga sinehan -- ang Heneral Luna. Ano nga ba ang mayroon sa palabas na ito na nakalusot sa hindi mo mawaring panlasa ng mga Pinoy?
Sa mga hindi pa nakakapanood, ang pelikulang Heneral Luna ay tumalakay sa buhay ng rebolusyunaryong heneral na si Antonio Luna. Kontrobersiyal ang pagkakapaslang sa kanya dahil sa kabila ng kanyang mataas na panunungkulan sa hukbong sandatahan, pagiging matapang at matinding pagmamahal sa Inang Bayan para sa kalayaan, aba’y mantakin mong nagtapos ang buhay niya sa kamay ng mga kapwa Pilipinong rebolusyonaryo.
Tulad na lang ng nangyari sa ama ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na si dating Senador Ninoy Aquino Jr., na kahit maganda na ang buhay sa Amerika ay pinili pa ring bumalik sa Pilipinas dahil sa pagmamahal sa bansa pero pinaslang ng mga kapwa Pilipino.
Gaya ng kaso ng pagpatay kay Ninoy na pinaniniwalaang alam ng ilang matataas na opisyal noon sa Malacañan, nakadagdag din sa intriga ng pagkakapaslang kay Luna ang hinalang pagkakaroon ng sabwatan ng ilang matataas na opisyal ng pamahalaan nang panahong iyon na abot daw kay dating Pangulong Emilio Aguinaldo.
Ang hinalang iyon ay itinanggi na noon ni Aguinaldo at patuloy na pinabubulaanan ng kanyang mga kamag-anak hanggang ngayon. Pero ang malaking katanungan ay kung ano ang nangyari sa mga taong pumaslang kay Luna at kung bakit tila hindi yata sila naparusahan ng pamahalaan ni Aguinaldo.
***
Kung tutuusin, hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagkaroon tayo ng pelikulang tumalakay sa buhay ng isang bayani. Iyon nga lang, masuwerte nang tumatagal ang ganitong tema ng pelikula na isang linggong ipinapalabas sa mga sinehan dahil inaalis kaagad dahil kakaunti ang nanonood.
Masakit mang tanggapin, negosyo pa rin naman ang industriya ng pelikula at kita ang nasa isip ng mga may-ari ng sinehan. At sa nagdaang mga panahon, mga pelikulang dayuhan na hitik sa special effects ang patok sa mga manonood, o mga pelikulang Pinoy na ang tema ay tungkol sa mga kabit.
Pero dapat magpasalamat ang mga nasa likod ng pelikulang Heneral Luna sa ingay na nilikha ng social media. Naging usap-usapan kasi ng netizens na maganda at may katuturan ang pelikula kaya naengganyo ang mga tao na panoorin ito at alamin kung totoo ang mga nababasa nila.
Nakadagdag pa sa ingay at kiliti sa isipan ng mga tao ang pagkakapili sa Heneral Luna bilang pambato ng Pilipinas sa Foreign Language category sa prestihiyosong film award-giving body sa Amerika na Oscars.
Pero ngayon pa lang, huwag tayong masyadong umasang mananalo dahil karaniwang matitindi ang mga kalahok na pelikula sa naturang kategorya.
Hindi kasi sapat na maganda ang tema ng pelikula at mahusay ang mga artistang gumanap para manalo sa Oscars. May mga teknikal na aspeto rin na sinusuri ang mga hurado sa kabuuang pagkakagawa ng pelikula. At bilang isang itinuturing na “indie film” ang Heneral Luna, hindi naman ganun kalaki ang pondo na ginastos sa pagkakagawa nito.
Gayunpaman, ipagdasal natin na makalusot ang Heneral Luna kahit man lang sa mga nominadong pelikula. Malaking tagumpay na ito sa industriya ng pelikulang Pilipino kapag nangyari.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment