Monday, September 21, 2015

Pagkilala pa! REY MARFIL


Pagkilala pa!
REY MARFIL




Kapuri-puri ang mabilis na pag-aalok ng emergency loan sa mga kasapi at pensiyonado ng Government Service Insurance System (GSIS) hanggang Setyembre 18, 2015 para sa mga nabiktima ng bagyong Falcon at malakas na pag-ulan sa Bani, Agno, at Dagupan City, Pangasinan alinsunod din sa kautusan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Batid ni PNoy ang kahalagahan na mabigyan ng agarang ayuda ang mga kasapi upang makabangon sa perwisyong dala ng bagyo sa pamamagitan ng loan na may napakababang interes. Naglaan ang GSIS ng mahigit sa P180 milyon upang magamit ng mga nabiktima ng bagyo.
Kabilang sa benepisyunaryo ang mga kasapi kung hindi sila naka-leave of absence without pay, walang arrears sa pagbabayad ng kanilang premium contributions, walang problema sa kanilang naunang utang, at walang anumang nakabimbing kasong administratibo at kriminal.
Maaaring bayaran ang loan sa loob ng 36 na buwan at mayroong anim na porsiyentong interes bawat taon.
Tinatayang 2,403 na aktibong mga kasapi sa nasabing mga lugar na pawang first-time borrowers ang maaaring makinabang sa P20,000 emergency loan habang P40,000 naman para sa 2,323 na mga miyembrong mayroong naunang binabayarang emergency loan.
Maaaring mag-aplay ang mga kasapi ng kanilang loan sa pamamagitan ng GSIS Wireless Automated Processing System (GWAPS) kiosks na matatagpuan sa tanggapan ng mga ito sa kapitolyo, lungsod, piling munisipalidad, malalaking sangay ng pamahalaan katulad ng Department of Education (DepEd) at ilang Robinsons Malls.
Hindi rin naman mapapabayaan ang 1,030 na mga pensiyonado dahil maaari rin silang makautang ng P20,000 pension emergency loan (PEL). Sinasakop ang PEL ng loan redemption insurance kung saan awtomatikong bayad ang pagkakautang sakaling mamatay ang pensioner. Agarang ipapasok ang makukuhang loan sa tinatawag na borrower’s GSIS eCard o unified multipurpose identification (UMID) card.
Maaaring tumawag ang interesadong mga aplikante para sa kaukulang mga detelye sa GSIS Contact Center 847-4747.
***
Sa tulong ng matuwid na pamamahala ni PNoy, namayagpag ang Pilipinas bilang bansa sa Timog Sila­ngang Asya na mayroong pinaka-transparent na budget.
Sa tulong ito ng ipinatupad na 2015 Open Budget Survey (OBS) ng Department of Budget and Management (DBM) dahil sa napakataas na pagpapahalaga ni PNoy sa wastong paggugol ng pampublikong pondo.
Dahil sa “transparent” na paggastos ng pampublikong pondo, nakuha ng Pilipinas ang ikalawang ranggo sa kabuuang Asya at ika-23rd naman sa buong mundo.
Base sa 2015 OBI, nakuha ng Pilipinas ang markang 64 na mas mataas sa tinatarget ng pamahalaan na 60 at ihinatid ang bansa sa hanay ng mga nasyon na mayroong malaking pagbabago sa usapin ng transparency katulad ng South Korea. Nakakatuwa ang pagkilala ng kinauukulan sa matinong pamamalakad ni Pangulong Aquino sa usapin ng paggastos ng salapi.
Naging prayoridad nito ang reporma sa pananalapi ng bansa upang matiyak na makikinabang ang pinakahirap na mga sektor ng lipunan. Noong 2012, nakakuha lamang ang Pilipinas ng markang 48 mula sa pinakamataas na 100.
Dahil 45 marka lamang ang average na nakuha ng ibang mga bansa sa 2015 OBI, maikokonsiderang above-average ang Pilipinas sa ilalim ng tinatawag na global scale sa transparent na paggastos ng pampublikong salapi.
Pinangunahan ng International Budget Partnership (IBP) ang paggawa ng OBS upang malaman ang katinuan at kaayusan ng mga bansa sa paggugol ng kanilang salapi sa buong mundo. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: