SAF ang nakapatay, period! | |
REY MARFIL |
Nakaamoy na naman ng pang-iintriga ang mga kritiko ng administrasyong Aquino sa usapin ng madugong Mamasapano encounter na nangyari noong Enero sa Maguindanao.
Kahit wala namang sinabi si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na pagdududa tungkol sa kabayanihan ng mga tauhan ng Special Action Force (SAF) na nagsagawa ng operasyon sa Mamasapano para madakip ang mga wanted na terorista, may mga nagpapalabas na iniinsulto raw ng Pangulo ang pagsasakripisyo ng mga magigiting na SAF sa paghahanap nito ng katotohanan.
Kung tutuusin, ang binanggit ni PNoy nang matanong sa isang media forum tungkol sa kalagayan ng mga kasong isasampa sa mga sangkot sa Mamasapano encounter, ay pagsusuri at pagberipika sa mga impormasyon na naglalabas ng “alternative version” sa nangyaring engkuwentro.
Pero ang nangyari, ang binanggit ni PNoy na “alternative version” ay biglang naging “alternative truth” sa ibang tao na tila nais kiskisin ng asin at patakan pa ng kalamansi ang hindi pa naghihilom na sugat na nilikha ng nasabing operasyon na naging dahilan ng pagkakasawi ng mahigit 60-katao -- kabilang ang 44 na SAF.
Kaduda-duda rin ang motibo sa paglutang ng video na sinasabing kuha raw sa Mamasapano encounter na nagpapakita na isang “mestizo” o “Caucasian” na umano’y sundalo na kasama raw sa mga nasawi sa operasyon.
Nakapagtataka na may nagpipilit na may kasamang dayuhang militar sa naturang operasyon samantalang hindi pa nga natitiyak kung totoo ang video o kuha talaga iyon sa naturang engkuwentro. Kahit nga ang katauhan ng sinasabing “mestizo” o “Caucasian” ay hindi pa malinaw.
Mismong ang SAF ang nagsabing walang dayuhan na kasama sa naturang operasyon, at itinanggi na rin ng embahada ng Amerika sa Maynila na may tropa silang kasama at namatay sa Mamasapano. At malinaw sa speech ni PNoy kahapon na walang dudang SAF ang nakapatay kay Marwan. Period!
***
Kung tutuusin, marahil ang mga ganitong hindi malinaw at hindi beripikadong istorya at impormasyon ang posibleng dahilan kaya nabanggit ni PNoy ang salitang “alternative version”. Pero hindi nangangahulugan na ito na ang “alternative truth” na nais palabasin ng ibang tao na sinabi raw ng Pangulo.
Noon pa man ay wala nang ibang panawagan ang mga naging biktima sa nasabing engkuwentro -- at pati na rin ang publiko, kung hindi malaman ang buong katotohanan sa nangyari sa Mamasapano. At dahil dito, natural lang na patuloy na magsiyasat ang pamahalaan at alamin ang iba pang lumalabas na impormasyon sa paghahanap ng katotohanan para sa isasampang kaukulang kaso sa mga dapat na managot sa batas.
Sinabi na rin mismo ni Justice Secretary Leila de Lima na walang masama na tingnan ang ibang impormasyon tungkol sa engkuwentro pero hindi ito nangangahulugan na iyon na ang katotohanan o totoong nangyari.
Dahil inaabangan ng bayan ang mga isasampang kaso tungkol sa Mamasapano encounter, dapat lang na tiyakin ng DOJ na matibay ang isasampa nilang kaso at ang mga tunay na responsable ang mapapanagot.
Sa paghahanap ng hustiya para sa mga naging biktima ng madugong engkuwentro, mas makabubuting hindi haluan ng mga kritiko ng pulitika ang paghahanap sa katotohanan.
Bukod dito, dapat ding matiyak na lalabas ang katotohanan kapag isinara na ang madugong kabanatang ito sa kasaysayan ng ating bansa. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment