Sa tamang panahon | |
REY MARFIL |
Kapuri-puri ang mga mambabatas na nagsusulong ng panukalang batas na ibaba ang buwis sa kita ng mga manggagawa para lumaki ang pera na kanilang mauuwi at panggastos sa pamilya. Pero ang malaking tanong marahil ni Lola Nidora sa usaping ito -- ngayon ba ang tamang panahon?
Kung si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang tatanungin ni Lola Nidora, hindi ito ang tamang panahon ang isasagot niya. Dahil sa posisyong ito ng Pangulo, baka masabihan na naman siyang “manhid” at “matigas” ang ulo.
Sa totoo lang, kung naghahangad si PNoy ng pogi points para tumaas ang popularidad niya sa sektor ng mga manggagawa, malamang na kaagad niyang inayunan ang panukalang batas na bawasan ang buwis na kinukuha ng gobyerno sa sahod ng mga empleyado. Pero hindi ganun ang Presidente.
Noon pa man, malinaw ang disposisyon ni PNoy sa pamamahala -- mananaig at higit na bibigyan ng bigat sa kanyang mga desisyon ang kapakanan ng higit na nakararami. Ilang beses na itong pinatunayan ng Pangulo tulad ng pag-apruba sa Reproductive Health Law at sa Sin Tax Law, o mas mataas na buwis sa alak at sigarilyo.
Ilang administrasyon na ang dumaan pero hindi naipapasa ang RH bill dahil sa matinding pagtutol ng ilang maipluwensiyang sektor. Pero dahil mas marami ang makikinabang sa nabanggit na panukala kapag naisabatas, sinuportahan niya ito.
Gayundin ang nangyari sa Sin Tax Law na marami ang nag-aakala na papanigan niya ang malalaking kumpanya na tatamaan ng panukala, pero nagkamali sila.
***
Kung papogi lang ang habol ni PNoy sa pagbaba ng income tax rate, madali niya itong magagawa.
Tutal ay patapos na ang kanyang termino bilang lider, hindi na masyadong maaapektuhan ang kanyang pamahalaan kapag bumaba ang kita ng gobyerno dahil sa nabanggit na panukala.
Pero hindi nga ganun ang Pangulo. Sa kanya, higit na binigyang-timbang ni PNoy ang epekto ng pagbaba ng income tax rate sa pangkalahatan. May mungkahi rin kasi na para matakpan ang mawawalang kita ng gobyerno sa gagawing pagbaba ng income tax, itaas sa 14 porsiyento ang kasalukuyang 12 porsiyentong singil sa buwis sa VAT o Value Added Tax.
At sa pag-analisa ni PNoy, higit na malaki ang tulak na mangyayari sa lahat ng Pilipino kaysa kakabigin o iuuwing kita ng mga empleyado kapag natuloy ang taas VAT, na kapalit ng mababang income tax rate.
Ang makikinabang kasi ng direkta sa pagbaba ng income tax ay mga empleyado o kawani na nakakaltasan ng buwis ng kanyang tanggapan. Pero ang mahahagip naman sa taas-singil ng VAT ay lahat ng mga komukonsumo ng produkto, maging ang mga maliliit na manggagawa na isang kahig, isang tuka. At dahil may VAT din sa gasolina at iba pang pangunahing produkto, natural na ipapasa rin ang taas-buwis sa paraan ng dagdag pasahe o dagdag singil sa kuryente at iba pa.
Hindi rin malayong maapektuhan ang credit ratings ng Pilipinas ng ibinibigay ng mga dayuhang financial institution kapag nabawasan ang kita ng gobyerno at makakaapekto ito sa integridad ng susunod na lider o gobyerno.
Tutal ay patapos na ang taong 2015, at maging ang termino ni PNoy sa June 30, 2016, makabubuting hintayin na lamang ang kalalabasan kung gaano na talaga katatag ang pananalapi ng bansa sa loob ng kanyang naging anim na taong pamamahala.
Mula rito, hayaan at ipaubaya na sa susunod na mahahalal na pangulo at sa mga mambabatas ang pasya kung napapanahon nang ibaba ang income tax rate, at baka sa halip na itaas ang VAT ay baka puwede rin itong ibaba pero doble happy ang mga manggagawa.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment