Friday, October 2, 2015

Pabebe generation REY MARFIL


Pabebe generation
REY MARFIL

Nang dahil sa pelikulang “Heneral Luna”, tila nabuhay kahit bahagya ang interes ng mga kabataan ngayon tungkol sa kasaysayan ng bansa at mga taong nagbuwis ng kanilang buhay para sa kasarinlan ng ating bayan.
Bukod kay Heneral Antonio Luna na siyang panguna­hing paksa sa nabanggit na pelikula, biglang sikat din ni Apolinario Mabini bunga ng kuwento ng aktor na si Epy Quizon tungkol sa grupo ng mga kabataan na nagtanong sa kanya kaugnay ng ginampanang karakter na si Mabini.
Tanong daw sa kanya ng grupo ng mga kabataan, bakit hindi siya tumayo (o ang karakter niyang si Mabini) sa naturang pelikula. Dahil dito, nalungkot ang aktor dahil sa til­a kawalan na ng kaalaman ng mga kabataan ngayon sa buhay ng ating mga bayani.
Marahil sa henerasyon ngayon na matatawag nating “pabebe”, o mga “pa-cute”, baka mas kilala pa nila ang “Kath­Niel” nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, ang “JaDine” nina James Reid at Nadine Lustre o ang AlDub nina Alden Richards at Yaya Dub (Maine Mendoza) kaysa sa mga bayani.
Kahit nga si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino napa­iling daw nang marinig ang kuwento tungkol kina Quizon at Mabini. Sa kabila ng modernong teknolohiya ng internet na “Google” lang ang kasagutan sa maraming katanungan, tila walang panahon ang mga kabataan ngayon na alamin ang tungkol sa kasaysayan ng ating lahi at buhay ng mga bayani.
Aba’y kung hindi na batid ng mga kabataan ngayon ang tungkol kay Mabini, papaano pa kaya ang mga bayaning mas nauna sa kanya? Baka ang isda na lang ang kilala nilang “Lapu-lapu”, at hindi na rin nila kilala si Magat Salamat at iba pa.
Tulad ng sabi ni PNoy sa isang pagtitipon, bagaman masasabing iilang kabataan lang ang maaaring hindi nakakaalam na lumpo si Mabini kaya hindi ito nakakatayo, masasabi pa rin na isa rin itong salamin ng kakulangan ng kaala­man sa kasaysayan ng ilang kabataan sa kasalukuyan.
***
Kaya naman daw makikipag-ugnayan si PNoy kay Edu­cation Secretary Bro. Armin Luistro para pag-aralan at gawan ng kaukulang hakbang ang naturang usapin. Batid kasi ng Pangulo ang kahalagahan na mapanatili sa alaala ng mga kabataan ang ginawang pagsasakripisyo ng mga taong nauna sa atin para patuloy nating mabigyan ng pagpapaha­laga kung anuman ang kalayaan na ating tinatamasa ngayon.
Dahil sa iniambag ni Mabini para sa ating kalayaan ng bansa mula sa pakikipaglaban sa mga mananakop na Kastila hanggang sa maipasa tayo sa puwersa ng mga Amerikano ay tinagurian siyang “Dakilang Paralitiko”. Hindi man siya nakalalakad, ang talino naman niya ang ginamit niyang sandata kaya binansagan din siyang “Utak ng Rebolusyon”.
Bunga ng kanyang nagawa para sa kalayaan ng bansa, hindi man nakakatayo si Mabini ay tinitingala siya ng mga taong nakakakilala sa kanya. Kaya sorry na lang doon sa mga kabataang nagtanong kay Quizon kung bakit laging nakaupo ang kanyang karakter sa pelikulang “Heneral Luna”.
Tulad ni Mabini, marami tayong mga kababayang may kapansanan na may silbi sa bayan; gumagawa ng sarili nilang paraan upang makatulong sa iba; sinisikap na maging katuwang sa pag-unlad ng bayan at hindi maging pabigat sa kapwa.
Aanhin mo ang isang tao na kumpleto ang katawan pero wala namang utak? Wala ngang kapansanan pero salot naman sa bayan? Malakas pa sa kalabaw pero pabigat naman sa pamilya?
Masuwerte ang henerasyon na hindi dumanas ng digmaan dahil hindi na nila kinailangang maging alipin ng mga dayuhan at sumigaw para sa kalayaan ng bayan. At higit sa lahat, hindi nila kailangang magbuwis ng buhay.
Hindi masamang maging pabebe, pero sana naman, basa-­basa rin ng ating kasaysayan ‘pag may time. Sa ganitong paraan, kahit papaano ay makanti kahit kaunti ang ating kamalayan at makapagpasalamat tayo sa ating mga bayani -- na kung hindi nang dahil sa kanila ay baka wala ka nga­yong tinitiliang “KathNiel”, “JaDine” o “AlDub”. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
https://www.blogger.com/blogger.g?blogID=4196080107113471929#editor/target=post;postID=6391968237108451271

No comments: