Monday, September 14, 2015

Kapaki-pakinabang! REY MARFIL



Kapaki-pakinabang!
REY MARFIL


Sa tulong ng programa ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, inani na ng 220 na mga benepisyunaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang bunga ng kanilang pagsisikap.
Umabot sa tinatayang 2,000 bangus ang nakuha ng mga kasapi ng Gigaquit Self-Employment Association (SEA-K) Incorporated sa pamamagitan ng Bangus Production project.
Pinondohan ang programa ng Sustainable Livelihood Program (SLP) na ipinapatupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa pamamagitan ng SLP, itinuturo ng DSWD ang kasanayan at kaukulang puhunan para magkaroon ng kita ang mga benepisyunaryo ng Pantawid Pamilya. Malaki talaga ang nagagawa ng Pantawid Pamilya na programa ni Pangulong Aquino sa kapakinabangan ng mahihirap nating mga kababayan.
Isang programa ito upang umunlad at umasenso ang mga tao at magkaroon sila ng pagpapahalaga maging sa kalusugan at edukasyon lalung-lalo na sa mga batang 0 hanggang 18 taon ang edad.
Nagkakaloob din dito ng cash grants para sa mga benepisyunaryo sa kondisyong ipapadala nila ang kanilang mga anak sa eskuwelahan, dadalhin sa health centers para sa kaukulang check-ups, at dadalo sa buwanang Family Development Sessions (FDS).
Mula Enero 2011 hanggang Hulyo 2015, umabot na sa kabuuang 681,030 katao ang nakinabang sa Pantawid Pamilya sa buong bansa sa pamamagitan ng skills training at capital assistance.
Nalaman kay SLP regional coordinator Roy R. Serdeña na isa lamang ang bangus production project sa mga programang pangkabuhayan na isinusulong. Asahan pa nating mas maraming mga tao ang makikinabang sa programang ito ni Pangulong Aquino.
***
Magandang balita rin ang ipatutupad na electronic Inmate Management Information System (IMIS) upang maiwasan na ang tinatawag na overstaying prisoners sa bansa dahil sa kawalan ng kaukulan at tamang datos sa kanilang sentensiya.
Inilunsad na ni Justice Sec. Leila de Lima ang programa na pakikinabangan ng mga bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP) Reservation at Bureau of Corrections (BuCor). Mabilis na malalaman dito kung maaari nang makalaya ang bilanggo matapos bunuin ang kanilang sentensiya sa kulungan.
Itinatampok dito ang live capturing sa pagkuha ng biometric information ng bilanggo, automated na pagbibilang ng pagkakakulong kasama ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) at pagbabantay sa galaw ng mga preso sa loob ng bilangguan.
Madali ring malalaman sa tulong ng biometric feature ng sistema ang positibong pagkilala sa mga preso kahit magpalit ang mga ito ng pagkakakilanlan.
Pero higit na mahalaga ang agarang pagdetermina kung dapat na bang
lumaya ang isang bilanggo para naman maiwasan ang overstaying. Pangungunahan ng DOJ ang implementasyon ng programa na matatapos sa Marso 2016.
Batid ni Pangulong Aquino na mahalagang makabalik sa normal na buhay ang mga bilanggo at makasama ang kanilang pamilya matapos ang sentensiya. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/sep1415/edit_spy.htm

No comments: