Wednesday, September 9, 2015

Magparehistro at bumoto REY MARFIL




Magparehistro at bumoto
REY MARFIL




Kung papalapit na nang papalapit ang halalang pampanguluhan sa Mayo 2016, mas unang papalapit ang deadline ng pagpaparehistro ng mga botante via biome­tric na magtatapos sa Oktubre 31.

Dahil nagkukumahog din ang Commission on Elections sa paghahanda sa 2016 dahil naatraso ang pagsasara ng kontrata sa kumpanyang gagamitin sa automated elections, huwag daw umasa ang publiko na mag-e-extend sila ng re­histro matapos ang itinakdang deadline ng pagpapa-biometric.

Kabilang kasi sa hindi kagandahang ugali nating mga Pinoy ang mentalidad ng “mayana”, teka-teka”, at saka magkukumahog sa “last minute”, o huling araw ng pagpapatala. Kaya mas mabuti na ngayon pa lang ay maglaan na ng araw kung kailan pupunta sa tanggapan ng Comelec o sa mga itinalagang lugar kung saan puwedeng magpa-biometric.

Dapat ding malaman ng mga botante na kahit nakarehistro sila, hindi sila papayagang bumoto kung hindi sila sumailalim sa biometric. ‘Ika nga sa patakaran ng Comelec sa 2016 elections, “no biometric, no boto”.

Batay sa datos ng Comelec, tinatayang 53 milyon ang inaasahang boboto sa 2016 elections kung saan kabilang sa ihahalal ay ang susunod na lider ng bansa na papalit kay Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.

Ang malungkot dito, nasa apat na milyong botante pa raw ang hindi sumasailalim sa biometrics.
Napakalaking bilang nito na tiyak na kayang makaapekto sa resulta ng halalan. Sayang kung hindi sila makakaboto.

Alalahanin natin na ilang beses na ring nangyari sa kasaysayan ng eleksyon sa bansa na lubhang dikit ang resulta ng pampanguluhang halalan na halos isang milyon lang ang naging lamang ng nanalo sa pumangalawa sa kanya. 

Nangyayari rin ito sa resulta ng halalan sa bise presidente at tiyak na malaki rin ang magiging epekto ng apat na milyong boto sa mga kakandidatong senador.

***

Bukod sa mga botanteng Pinoy na nasa Pilipinas na may deadline sa Oktubre 31, dapat ding maglaan na ng panahon ang mga kababayan nating nasa ibang bansa na nais makilahok sa pagpili ng mga susunod na lider sa Pilipinas dahil mayroon din silang hiwalay na deadline.

Batay din kasi sa anunsiyo ng Comelec, mayroon na lamang hanggang Oktubre 12 ang mga overseas absentee voters na nais magpalipat ng kanilang rehistro o lugar ng pagbobotohan.

Kung may katanungan, mas mabuting makipag-ugnayan sa embahada ng Pilipinas sa kinaroroonang bansa para makasiguro sa patakarang itinakda ng Comelec.

Wala namang pagpaparehistrong magaganap mula Oktubre 12 hanggang 16, ang isang linggong panahon na itinakda sa mga kakandidato sa 2016 elections para magsumite naman ng kanilang Certificates of Candidacy (COCs).

At dahil isang linggo rin ang malalagas sa takdang panahon ng pagpapatala ng mga botante para sa biometric, mas dapat talagang ayusin na ang schedule para magparehisto.

Kapag naman nagparehistro, huwag naman sanang sayangin ang boto -- nandito ka man sa Pilipinas o isa kang absentee voters. 

Noong 2010 presidential elections kung saan nagwagi si Pangulong Aquino, naging maganda ang turnout o bilang ng mga bumoto. Sa 50.899 milyong botante, nasa 38.169 milyon ang bumoto o halos 74.99 porsiyento.

Sana ay matularan ng mga absentee voter ang dami ng turnout ng mga kababayan nating boboto. Sa nagdaan kasing mga eleksiyon, patuloy na mababa at hindi man lang umaabot sa kalahati ang bilang ng mga bumoto sa bilang ng mga nakarehistro.

Huwag nating kalimutan na karapatan at kapangya­rihan n’yo ang bumoto. At kung hindi kayo bumoto, parang inalisan n’yo na rin ng karapatan ang inyong sarili na magreklamo kapag may ginawang hindi maganda ang gobyerno.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: