Friday, September 25, 2015

‘Di dapat nangyari! REY MARFIL



‘Di dapat nangyari!
REY MARFIL


Nakalulungkot ang nangyaring pagdukot ng mga armadong lalaki sa ilang dayuhang turista sa isang resort sa Samal Island sa Davao del Norte kamakailan dahil nagpaalala ito sa nangyaring pagdukot sa ilang turista sa Dos Palmas resort sa Palawan noong 2001.
Kung tutuusin, hindi lang ang bangungot ng Dos Palmas kidnapping ang nabuhay dahil sa nangyari sa Samal Island, kung hindi maging ang pagsalakay noon ng mga armadong grupo sa Pearl Farm Resort sa Davao din noong 2001.
Hindi nga lang katulad sa Dos Palmas, walang na­tangay na mga turista ang mga kidnapper na umatake sa Pearl Farm Resort pero ilang empleyado sa resort ang nasawi.
Bunga ng nangyari ngayon sa Samal Island, tiyak na may mga turista na mag-aalala sa kanilang seguridad na magtungo sa naturang lugar at baka maging sa iba pang pasyalan sa Mindanao; na huwag naman sana.
Nakalulungkot na ilang linggo pa lang ang nakararaan ay nagtungo pa sa Samal Island si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino para pasinayaan ang circumferential road project na inaasahang magpapalakas pa lalo sa turismo sa lugar.
Dahil sa ganda ng lugar, nakikita ng Department of Tourism na malaki ang potensyal ng Samal Island na dayuhin ng mga lokal at dayuhang turista. Kaya naman nilaanan ito ng pamahalaang Aquino ng pondo para maiayos ang mga kalsada at nang mapadali ang pagbiyahe ng mga tao.
Kaya naman hindi maalis na manghinayang ang mga nasa industriya ng turismo sa Davao region sa nangyaring insidente ng kidnapping sa Samal Island. Maaari kasing magdulot ito ng pangamba sa mga bibisita sa kanilang lugar pagdating sa usapin ng seguridad.
***
Katunayan, nagpalabas na ng travel advisory ang Canada sa kanilang mga kababayan upang sabihan sila na iwasang magpunta sa Davao region at iba pang lugar sa Mindanao, kabilang na ang ARMM.
Kung bakit ba naman kasi ngayon pa nakalusot ang mga kidnapper kung kailan maganda ang takbo ng tu­rismo sa bansa. Sa ilalim kasi ng pamamahala ni Aquino, naging napakasigla ng turismo. Nalampasan na nga ang unang target na 35 milyong local travelers kahit hindi pa natatapos ang taong 2015.
Habang ang international tourist arrivals, naitaas sa taunang average rate na 8.3 porsiyento mula 2010 hanggang 2014. Ang datos ay mataas sa 6.7 porsiyento na annual average rate noong 2001 hanggang 2009. Kaya naman ang kinita sa turismo noong 2014, tinatayang nasa P1.7 trilyon.
Bukod sa maaaring negatibong epekto ng Samal Island kidnapping sa ating turismo, hindi rin magiging maganda sa imahe ng Pilipinas ang insidente lalo pa’t gaganapin sa bansa sa darating na Nobyembre ang Asia Pacific Economic Cooperation summit.
Ang pagtitipong ito ay dadaluhan ng mga matataas na opisyal at lider mula sa iba’t ibang bansa kabilang na sina US President Barack Obama, Japanese Prime Mi­nister Shinzo Abe at Russian President Vladimir Putin.
Kung nagkaroon man ng kakulangan para mapigilan sana ang insidente sa Samal Island, may pagkakataon namang bumawi ang mga kinauukulang awtoridad kung ligtas nilang mababawi sa lalong madaling panahon ang mga dinukot na turista at mahuhuli ang mga salarin. La­ging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: