Monday, September 7, 2015

Bayani vs ‘epal’



Bayani vs ‘epal’
REY MARFIL




Dahil nalalapit na ang halalan at ginunita natin kamakailan ang Araw ng mga Bayani, napapanahon na pag-usapan natin ang magkaibang personalidad na ito na puwede nating gamiting panukat sa pagpili ng ating mga susunod na lider; gusto mo ba iyong may palatandaan ng pagiging bayani o marka ng pagiging “epal”?
Kung dati ay sinasabing kailangan munang mamatay ang isang tao bago maging bayani, hindi na ngayon. Hindi lang naman kasi sa paraan ng pagbubuwis ng buhay masusukat ang kabayanihan ng isang tao. 
Sa panahon ngayon, maaari kang kilalang buhay na bayani ng bayan kung isinakripisyo mo ang sariling kaligayahan para sa kapakanan ng iba; kung may nagawa kang maganda na ikinabago ng buhay ng marami para sa kanilang ikabubuti, aba’y bayani ka; at kahit sa maliit na paraan na iyong gagawin para makabawas sa problema ng bayan mo, aba’y bayani ka.
Kaya kung isa kang motorista o drayber ng pampublikong sasakyan tulad ng taxi, jeepney o bus na sumusunod sa batas sa trapiko para hindi ka maging dahilan ng pagsisikip ng daloy sa kalye, aba’y bayani ka. Dahil ang isang bayani, may disiplina sa sarili at iniisip ang kapakanan ng iba na maaapektuhan ng kanyang gagawin.
Sabi nga ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa kanyang talumpati sa Araw ng mga Bayani, may dahilan kung bakit nakapaloob ang salitang “bayan” sa katagang “bayani”. Sabi niya, ang bawat isa raw sa atin ay mayroong kakayahang lampasan ang pansariling interes alang-alang sa kapwa at bandila. Kahit na ikaw ay karaniwang tao o may mataas na katungkulan, lahat ay may tungkulin at kakayahang makilahok sa pagpapabuti ng lipunan.
***
Gaya ng simpleng pagsunod sa mga batas at patakaran; sa pagtulong sa kapwa, lalo na sa mga higit na nangangailangan; hanggang sa kahandaang ipaglaban ang tama’t makatwiran nang walang pinipiling panahon at pagkakataon. Ito ang ilan sa mga katangian ng bayani, kabaliktaran ito ng mga “epal” na handang isakripisyo at gamitin ang iba para lang sa personal na kapakinabangan at interes gaya ng ilang pulitiko at kritiko ng gobyerno.
Ngayon pa nga lang, marami na tayong nakikitang mga “epal” na larawan na ipino-post sa social media ng mga netizen. Mayroon ding mga “epal” na pulitiko at kritiko na nagpo-post ng kanilang mga komento tungkol daw sa problema ng bayan pero wala naman silang iniaalok na alternatibong solusyon.
Sa halip, ang tanging hangad nila ay makakuha ng atensyon ng publiko kahit magkalat sila ng maling impormasyon. Pero ang mas nakalulungkot nito ay kapag may taong naniwala sa kanilang taktikang epal at sumikat sila sa kanilang kasinungalingan. 
Papaano makokontra ang mga “epal”? Aba’y dapat ibisto ang kanyang kasinungalingan at ilantad ang kanilang tunay na agenda para mabigyan ng babala ang mga tao nang hindi sila magtagumpay sa masama nilang balak.
Kapag nilabanan mo ang “epal”, nakagawa ka ng maganda para sa iyong bayan sa maliit na paraan, aba’y bayani ka. 
Sabi nga uli ni PNoy sa kanyang talumpati, kapag may mali at di-makatwiran sa lipunan at nagmasid ka lang at walang ginawa, kung susunod ka lang sa dikta ng “status quo”, o nagrereklamo ka pero wala namang inaalok na solusyon, aba’y dagdag ka lang sa problema at pinapahaba mo ang pagdurusa ng iyong kapwa.
Pero kung may nangyayaring mali at may kahit isang tao lang na tatayo at magsasalita tungkol sa hindi tamang nangyayari, iiral ang katarungan at pagkakataon na mabago ang lahat.
Kaya saan mo gustong mapabilang, sa mga bayani o sa mga epal? Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: