Wednesday, September 23, 2015

Mainit ang laban sa El Niño REY MARFIL


Mainit ang laban sa El Niño
REY MARFIL




Bago ang inaasahang mainit na labanan sa pulitika sa susunod na taon para sa presidential election, isa pang mainit na laban ang kakaharapin nating mga Pinoy na inaasahang magaganap simula sa susunod na buwan na tiyak na magpapatagaktak sa ating pawis -- ang El Niño phenomenon.

Ang El Niño ay ang matinding init ng panahon na kabaligtaran ng La Niña, na labis namang ulan. At kung sasakto ang mga pag-aaral ng mga dalubhasa, magsisimulang maranasan nang husto ang epekto ng tagtuyot sa Oktubre, na posible pa raw umabot hanggang sa susunod na bahagi ng 2016. Kaya ngayon pa nga lang, nagbawas na ng suplay sa tubig sa kanilang mga kostumer ang Maynilad at Manila Water para masiguro na may tubig na aabot sa susunod na tag-init sa 2016.

Sa ngayon, nagsasagawa na ng kaukulang paghahanda ang pamahalaang Aquino upang maibsan ang epekto ng tagtuyot. Dahil ang mga taniman ang ina­asahan na matinding tatamaan ng kalamidad, mag-aangkat ng bigas ang bansa upang matiyak ang seguridad ng pagkain bilang paniguro.

Ang tindi ng tagtuyot ngayong taon ay pinapa­ngambahan na mas matindi pa sa nararanasan noong 1998 na nakaapekto sa mga produktong agrikultura na tinatayang nagkakahalaga ng $5 bilyon.

Base sa isang pag-aaral ng isang specialist sa climate change, sa nangyaring El Niño noong 2010, umabot ang pinsala ng tagtuyot sa $240 milyon. Kaya naman hindi rin ipinagsasawalang-bahala ng pamahalaan ang maaa­ring pinsalang idulot ng paparating na kalamidad.

Kapag naapektuhan ang produksiyon ng pagkain, hindi malayong magkaroon din ito ng epekto sa ha­laga ng mga bilihin na magpapataas sa inflation. Ang magandang balita, dahil sa mga programa at proyektong naunang naipatupad na ng pamahalaan at maa­yos na ekonomiya, napanatiling mababa ang inflation rate sa bansa ngayon.

***

Bukod dito, magandang balita rin ang dulot ng mababa pa ring halaga ng mga produktong petrolyo sa world market kaya kahit papaano ay mababa pa rin ang gastusin sa transportasyon ng mga produktong agrikultura na ginagamit na katwiran ng ibang negos­yante para magtaas ng halaga ng kanilang paninda.

Kung magiging matindi ang epekto ng tagtuyot sa sektor ng agrikultura, tiyak na mababawasan din ang maiaambak nito sa paglago ng ekonomiya sa pagtatapos ng 2015 hanggang sa unang bahagi ng 2016.
At muli, sasandal tayo sa ambag na manggagaling sa business process outsourcing, mga remittance ng mga kababa­yan natin sa ibang bansa, service sector at iba pa.

Dahil sa pinapangambahang epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura, may mga agam-agam na baka hindi makamit ng bansa ang inaasahang pito hanggang walong porsiyentong paglago sa ekonomiya sa taong ito. Pero dahil sa mga nakalatag na programa ng pamahalaang Aquino tulad ng mas malaking paggastos sa huling bahagi ng taon, asahan na patuloy ang masiglang ekonomiya ng bansa.

At base na rin sa pag-analisa ng isang dayuhang financial institution, ang Pilipinas pa rin ang isa sa mga bansa sa Asya na may pinakamatatag na ekonomiya sa kabila ng pagtamlay ng mga kalapit nitong bansa. Bunga ito ng matatag na lagay ng pulitika sa bansa sa ilalim ng pamamahala ni Aquino at pagbabalik ng tiwala ng mga namumuhunan dahil sa kampanya niya kontra katiwalian.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: