Ipagdasal natin ang Syria | |
REY MARFIL “Human catastrophe” na kung ilarawan ngayon ang nangyayaring paglikas ng mga mamamayan ng Syria para matakasan ang kaguluhan sa kanilang bansa. Sa kanilang pagtakas patungo sa ibang bansa na inaasahan nilang kukupkop sa kanila, nagiging lantad sila sa kapahamakan; katulad ng nangyari sa tatlong taong gulang na si Aylan Kurdi. Kasama ang kanyang ama’t ina, at ilan pang kababayan, sumakay ng bangka si Aylan at tumawid ng dagat patungo sana sa Greek island sa Kos. Pero lumubog ang kanilang bangka at nalunod ang mga sakay nito at napadpad ang kanilang bangkay sa baybayin ng Turkey -- kabilang ang musmos na si Aylan at ang kanyang ina. Bukod kay Aylan, may ilan pang musmos ang nasawi sa naturang trahedya na pumukaw sa damdamin ng mundo. Dahil sa kaguluhan sa kanilang bansa bunga ng digmaan, tinatayang kalahati ng populasyon ng Syria ang lumilikas para makaligtas sa labanan. Libu-libo ngayon ang tumatawid ng Hungary para makapunta sa iba’t ibang bansa sa Europe upang maging pansamantala nilang kanlungan tulad ng Austria at Germany. Nakakalungkot lang na mayroon pang mamamahayag sa Hungary na nakunan ng video na namatid at nanipa ng mga Syrian refugee na nais makatawid sa kanilang boundary. Ano kaya kung mabaliktad ang eksena at ang Hungarian reporter ang maging refugee at siya kaya ang sipain? Sa tala ng United Nations, aabot na sa tatlong milyon ang Syrian refugees na pansamantalang tumutuloy ngayon sa iba’t ibang bansa at inaasahan na tataas pa ang naturang bilang. Kung mayroon mga bansang tumatangging kupkupin ang mga Syrian refugees, mayroon ding mga bansa at kanilang mga mamamayan na handa silang tulungan. Pero sana, mas maging bukas sa pagtulong sa kanila -- lalo na sa mga bata, babae at nakatatanda -- ang mga kalapit nilang bansa. *** Ang Pilipinas kahit malayo sa Syria, nagpahayag ng kahandaan na tulungan ang mga Syrian refugees bilang pagtulong sa nagaganap na humanitarian crisis na ito. Ayon sa Department of Foreign Affairs, maaaring maging pansamantalang destinasyon ng mga refugee ang Pilipinas habang naghihintay sila ng bansa na kanilang permanenteng tutuluyan. Gayunman, asahan na limitado lang ang maaaring itulong ng ating gobyerno sa kanila. Nitong nakaraang Hunyo, nagpahayag na rin ang pamahalaang Aquino sa pamamagitan ng DFA na handa rin tayong tulungan ang mga refugee rin mula sa Bangladesh na mga ethnic Rohingya. Hindi na bago kung tutuusin ang pagkanlong o pagkupkop natin sa mga refugee dahil ginawa na rin natin ito noon sa mga Vietnamese noong panahon ng digmaan. Sadyang walang maidudulot na mabuti ang digmaan sa sangkatauhan. Kaya dapat na pairalin ng kahit anong gobyerno ang kahinahunan na nahaharap sa hidwaan para maiwasan ang kaguluhan. Marami man tayong reklamo ngayon tulad ng trapik at pagbaha, sana ay hindi natin danasin ang paghihirap ng mga mamamayan ng Syria. Sana’y matapos na ang kaguluhan sa kanilang bansa para bumalik na sa normal ang kanilang buhay. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey) http://www.abante-tonite.com/issue/sep1115/edit_spy.htm |
Friday, September 11, 2015
Ipagdasal natin ang Syria REY MARFIL
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment