Sa Tamang Panahon... | |
REY MARFIL Umiral na naman ang ugaling "sala sa init at sala sa lamig" ng ilan nating kababayan pagdating sa usapin ng paghanap ng solusyon sa problema ng matinding traffic sa Metro Manila partikular sa kahabaan ng EDSA. Dati ay marami ang nagrereklamo sa matinding traffic sa EDSA at panay ang sisi nila sa gobyerno. Ngayong inatasan ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino ang Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police (PNP) na pangunahin ang pagresolba sa problema, may mga angal pa rin. Aba'y hindi pa nga pormal na nagta-take over ang HPG sa pagtutok sa problema ng trapiko sa EDSA, may mga humihirit na agad na baka mabuhay na naman daw ang "kotongan" o "hulidap". May pumupuna pa na bakit daw ngayon lang kumikilos ang gobyerno sa problema sa trapiko? Unang-una, hindi naman ngayon lang kumilos ang pamahalaan para lutasin ang problema sa trapiko. Katunayan, may mga proyektong ginagawa na pangmatagalang solusyon para maibsan ang problema sa trapiko. Kabilang na riyan ang itinatayong bagong 14.8-kilometer skyway na magdudugtong sa Buendia, Makati City at Balintawak, Quezon City. Kapag nagawa na ito, tiyak na malaking oras ang mababawas sa biyahe ng mga motorista. Bukod diyan, mababawasan din ang mga sasakyan na dadaan sa EDSA kapag naitayo na ang bagong skyway. Ang mga ginagawa ring bagong linya ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) na aabot na sa Masinag sa Cainta, Rizal na makatutulong din para mabawasan ang problema sa trapiko at makatutulong sa publiko para makaiwas na makipagsiksik sa mga pampasaherong bus o jeepney. Kung darating na ang mga bagong bagon ng MRT at maaayos ang mga riles, bibilis na ang biyahe at dadami na ang mga pasahero na maaaring maisakay. Magiging malaking tulong din ito sa publiko na makaiwas sa problema ng trapiko sa EDSA. At kung magiging komportable na ang pagsakay sa MRT, malamang na rito na rin sasakay ang ibang motorista at hindi na gagamit ng kanilang kotse na bibiyahe sa EDSA. Kapag nangyari ito, mababawasan din ang mga sasakyan at makaluluwag sa trapiko. Hindi pa kasama riyan ang iba pang proyekto na kasalukuyan nang ginagawa ng pamahalaan na hindi kayang tapusin ng ora-orada. Maging ang mga anti-flood projects na kasalukuyang ginagawa ay nakadadagdag din sa problema sa trapiko. Pero kapag natapos ang mga ito, hindi lang problema sa baha (na nagiging dahilan din ng problema sa trapiko) ang mababawasan, kung hindi maging ang problema sa trapiko. *** Pagdating sa EDSA, isasalang pa sa pagsasanay ang mga tauhan ng HPG na tututok sa anim na lugar sa EDSA na madalas pagmulan ng pagbigat ng daloy ng trapiko dahil sa mga pasaway na mga motorista at lalo na ang mga pasaway na drayber ng mga pampublikong sasakyan, partikular na ang bus. Kaya abangan natin kung may malaking pagbabago sa daloy ng trapiko sa Balintawak sa Caloocan City, Cubao sa Quezon City, Ortigas Avenue sa Pasig City, Shaw Boulevard sa Mandaluyong City, Guadalupe sa Makati City at Taft Avenue sa Pasay City. Inaasahan na sa Lunes pa magsisimulang magmando ng trapiko ang mga tauhan ng HPG. Pero hindi lang naman sila ang makikita sa EDSA, katuwang pa rin nila ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation and Franchising Board (LTFRB). Kung mayroon mang dapat kabahan sa pagpasok ng HPG sa EDSA, ito ay ang mga pasaway na drayber at mga nakalulusot na kolorum na mga pampasaherong sasakyan. At dahil si PNoy mismo ang nagbigay ng direktiba, dapat lang na magdalawang-isip ang mga pulis na magbabalak na gumawa ng pera sa panghuhuli dahil tiyak na malilintikan sila sa Pangulo. Magandang timing din ito dahil pumasok na ang "ber" month na hudyat ng pagiging abala ng marami sa pamimili sa kapaskuhan. Kaya naman dahil sa direktiba ni PNoy, maaaring makapagpraktis ang HPG kung ano pa ang mga dapat gawin para mabawasan ang trapiko sa EDSA pagsapit ng Disyembre. Ngunit kung pangmatagalang solusyon sa problema ng trapiko ang hahanapin, aba'y sabi nga ni Lola Nidora sa kalye-serye ng Eat Bulaga, mangyayari ‘yan sa "tamang panahon" kapag natapos na ang mga ginagawang proyekto. At kapag nangyari iyan, suwerte ng susunod na administrasyon. "Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey) http://www.abante-tonite.com/issue/sep0415/edit_spy.htm |
Friday, September 4, 2015
Sa Tamang Panahon... REY MARFIL
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment