Proteksyon pa! | |
REY MARFIL |
Hindi ba’t kapuri-puri ang patuloy na pinatinding kampanya ng administrasyong Aquino laban sa naglipanang investment scams na nambibiktima sa maraming mga tao.
Alinsunod sa kautusan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, pinamunuan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pamamagitan ng Consumers’ Protection and Advocacy Bureau at ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang kampanya.
Katuwang ng mga ito ang Enforcement and Investor Protection Department kung saan iprinisinta ng mga ito ang hakbang para balaan ang ating mga mamamayan na huwag magpaloko sa mga pyramid scam, Ponzi scam at iba pang mga uri ng investment scam na nagsasamantala sa ating publiko.
Nabatid sa DTI na lalong tumaas ang bilang ng investment scams sa internet at online shopping sa iba’t ibang lalawigan sa bansa.
Patuloy ang paglalabas ng DTI at SEC ng advisories na nagbababala sa publiko kaugnay sa potensyal na scams.
Tumutulong din sa kampanya ang Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI) at ang Philippine National Police (PNP).
Nagsampa na nga ng kasong estafa laban sa mga sangkot sa mga scam ang DOJ batay sa kanilang mga nakalap na ebidensya.
Nananawagan din tayo sa ating mga kababayan na manatiling mapagmasid, suriing mabuti ang mga inihahain sa kanilang investment proposal na nangangako ng napakataas na kikitain o tutubuin dahil maaaring mapanlinlang at mapagsamantala ang mga panukalang ito.
***
Hindi naman nakakapagtaka ang magandang resulta ng executive outlook survey ng Makati Business Club (MBC) sa administrasyong Aquino. Pagpapakita ito ng panibagong boto sa matino at matuwid na liderato ni PNoy.
Positibo ang pagtingin ng MBC sa ginawa ng mga departamento at ahensya ng pamahalaan sa usapin ng economic at financial management sa ikalawang quarter ng taon.
Kaya nga nakakuha ang bansa ng sunud-sunod na upgrading sa iba’t ibang investment rating at maging ang nakakabilib na global competitiveness rankings.
Kinilala ng MBC ang Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at Civil Service Commission (CSC) bilang ilan sa 10 nangungunang performing government agencies.
Maganda naman talaga kasi ang mga diplomasyang hakbang na ipinakita ng DFA sa pagharap sa mga krisis lalung-lalo na sa tensyon sa West Philippine Sea.
Maganda rin ang ipinapakita ng CSC sa pagsusulong ng serbisyo sa ngalan ng interes ng maraming Filipino.
Asahan pa nating magiging mabuti at maganda ang resulta ng susunod na performance ng pamahalaan sa tulong ng matuwid na daan ni PNoy.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment