Monday, June 1, 2015

Iba ngayon! REY MARFIL



Iba ngayon!
REY MARFIL

Hindi ba’t kapuri-puri ang matuwid na daan ni Pa­ngulong Noynoy “PNoy” Aquino na nagresulta upang magkaroon ng P36.857 bilyong kita para sa kaban ng bayan o remittances ang tinatawag nating government-owned and controlled corporations (GOCCs).

Sa nakalipas na administrasyon, kadalasang ginagawang gatasan ng ilang ganid na mga opisyal ang GOCCs para magkaroon sila ng malaking suweldo at mga benepis­yo kaya naman halos wala nang napupunta para sa mga serbisyo sa bayan.

Kaya matapos ibuking ng Pangulo sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) noong 2010 ang “panggagatas” sa GOCCs, agarang binuo nito ang Governance Commission for GOCCs (GCG) upang siguruhing bayan ang makikinabang at hindi iilang mga opisyal ng pamahalaan.

Matinding reporma talaga ang ipinakita ng Pangulo matapos umabot ang kita ng GOCCs sa P131.28 bilyon mula 2010 hanggang sa kasalukuyan kumpara sa nakolektang P84.18 bilyon mula 2001 hanggang 2009 o siyam na taong panunungkulan ng administrasyong Arroyo.

Lalong hinimok ng Pangulo ang GOCCs na magsumikap upang maging P160 bilyon ang kita nito at doblehin ang P84.18 bilyong naitala ng nakalipas na pamahalaan. Kapuri-puri ang magandang ginawa ng Government Service Insurance System (GSIS) na naitaas sa P131 bilyon ang kita nito noong nakalipas na taon kumpara sa P64 bilyon noong 2010.

Kaya naman napabilib ni GSIS president at general manager Robert Vergara at ng kanyang grupo si Pangulong Aquino.

Lumaki rin ang ari-arian ng GSIS sa P506 bilyon noong 2010 hanggang P910 bilyon nitong 2014 habang naitala sa P84 bilyon ang “claims at benefits” noong 2014 mula sa P46 bilyon noong 2010. Sa matuwid na daan ng Pangulo, talagang bayan ang nakikinabang nang husto at hindi lamang iilang mga opisyal ng pamahalaan.

***

Hindi naman nakakapagtakang bumaba ang insidente ng kagutuman sa bansa dahil laging tinitiyak ni PNoy na parte ng mga prayoridad ng pamahalaan ang pagsugpo sa kahirapan.

Tama ang resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey na bumaba sa 13.5 porsiyento nitong Marso 2015 ang mga Filipino na nakaranas ng kagutuman mula sa 17.2 porsiyento noong Disyembre 2014. Nakakabilib ang resulta ng pananaliksik ng SWS dahil ito ang pinaka­mababang antas na naitala sa nakalipas na 10 taon.

Sa pagtataya ng SWS, umaabot sa 800,000 na pamilya ang hindi na nakaranas ng kagutuman base sa 3.7 porsi­yentong pagbaba ng nasabing problema.

Namamayagpag kasi sa “Tuwid na Daan” ng Pangulo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program na labis na nakakatulong sa mga mahihirap.

Pakay ng Pangulo sa programa na itaas ang kalidad ng buhay ng mga mahihirap upang magkaroon sila ng positibong pananaw at panibagong oportunidad sa buhay sa pamamagitan ng social services.

Bagama’t isang taon na lamang ang nalalabi sa termino ni Pangulong Aquino, asahan nating lalong pagbubutihin nito ang paglilingkod para sa kapakinabangan ng mas nakakaraming sektor. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/june0115/edit_spy.htm#.VWxaUM9Viko

No comments: