Hinog sa karunungan, hinog sa kaalaman | |
REY MARFIL |
Sa pagbubukas ng klase para sa 2015-2016 school year, maraming mag-aaral ang tiyak na excited o sabik sa kanilang pagbabalik sa silid-aralan, makita ang mga kaibigan at magkaroon ng mga bagong kaibigan. Ito rin ang pagkakataon para masubukan ang isinusulong na programa ng pamahalaang Aquino na K to 12 Program.
Ang K to 12 ay alinsunod sa Enhanced Basic Education Act of 2013, na ang layunin ay mapahusay pa lalo ang sistemang pang-edukasyon at maging ang kasanayan ng mga kabataan habang maaga para maihanda sila sa tunay na mundo ng lakas-paggawa.
Batay sa anunsyo ng Department of Education, nasa 23 milyong mag-aaral ang papasok sa elementarya at high school ngayong pasukan. Sa Metro Manila, inaasahan na mas mataas ang bilang ng mga mag-aaral ngayong pasukan ng hanggang 250,000.
Ayon mismo kay DepEd Sec. Armin Luistro, kumpara sa nakaraang tatlo o apat na taon, mas maayos na at organisado ang pagbubukas ng klase ngayong taon. Ito’y bunga na rin sa pagtugon ng pamahalaang Aquino sa mga inabutang problema na iniwan ng nakaraang administrasyon gaya ng kakulangan sa mga guro, silid-aralan, libro at upuan.
Pero bukod sa karunungan na matututunan sa loob ng paaralan, nais din ng pamahalaang Aquino na hubugin ang kasanayan ng mga mag-aaral sa ilalim ng K to 12 Program. Pangunahing layunin ng programa na maireporma ang nakagisnang 10-year basic education cycle.
Sa ilalim ng programang ito, tututukan ang pagsasanay ng kabataan para maihanda ang mga mag-aaral sa elementarya sa pagtapak nila sa high school, at mga magtatapos naman sa high school, maihanda ang sarili sa pag-akyat nila sa kolehiyo, at maging sa pagsabak nila sa pagtatrabaho kung kanilang nanaisin.
***
Sa totoong buhay, may mga pamilya na hindi sapat ang ikinabubuhay ng magulang para mapag-aral sa kolehiyo ang anak. Kaya may mga kabataan na nagtapos sa high school na natitigil sa pag-aaral, hindi nakakaakyat sa kolehiyo at napapasabak sa trabaho para makatulong sa magulang. Ngunit dahil hindi sapat ang kanilang kasanayan sa pagtapak sa mundo ng lakas-paggawa, kung anu-anong trabaho ang kanilang sasadlakan at kung minsan ay naiisahan pa ng kanilang employer.
Sa ilalim ng K to 12 Program, ang dalawang taon na madadagdag sa pag-aaral ng mga estudyante ay kapapalooban ng mga kasanayan ng elective subjects na maaaring mahasa kaagad ang kanilang husay tulad sa electronics, dress-making, agricultural at iba pa. Kung tutuusin, noon pa naman ay mayroon nang mga ganitong asignatura sa public school pero dahil sa kakulangan ng panahon sa pagtuturo at sapat na pondo ay natigil.
Sa isang talumpati ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, malinaw at simpleng paliwanag niya kung bakit nararapat na ipagpatuloy ang programa -- makatutulong ito para natural na mahinog ang kasanayan ng mga kabataan at hindi gaya ng mga prutas na kung tawagin ay hinog sa pilit o kinalburo.
Kaya ang isang nagtapos sa high school sa ilalim ng K to 12 Program, maaari na siyang magtrabaho kung nanaisin niya para matustusan ang p ag-aaral sa kolehiyo o kung nais niyang lubos na matulungan ang kanyang pamilya.
Hindi natin maaalis na may mga tututol sa K to 12 dahil sa iniisip nilang dagdag na dalawang taon na gastos sa pag-aaral ng mga kabataan. Pero sa halip na isipin ang gastos, isipin natin na dagdag na puhunan ito ng ating kabataan para sa mas maganda nilang kinabukasan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/june0315/edit_spy.htm#.VW8DXM9Viko
No comments:
Post a Comment