Wednesday, June 10, 2015

VFA ng Pilipinas at Japan



VFA ng Pilipinas at Japan
REY MARFIL



Isa sa mga natalakay sa matagumpay na 4-day State Visit ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa Japan kamakailan ay ang posibleng pagkakaroon ng sariling bersyon ng Visiting Forces Agreement (VFA) ng dalawang nabanggit na bansa, na natural ay hindi magugustuhan ng China.

Maganda ang ginawang pagbisita ni PNoy sa Japan kamakailan dahil pinalakas nito ang ugnayang pangkalakalan at diplomatiko ng dalawang bansa. Malaking puhunan ang ipinangakong ilalagay ng ilang negosyanteng Hapon sa Pilipinas na tiyak na magdudulot ng dagdag na trabaho sa ating mga kababayan.

Bukod sa negosyo, tiyak na malaki rin ang maitu­tulong ng pagpapatibay ng relasyon ng Japan at Pilipinas sa larangan ng turismo ng dalawang bansa. Katunayan, sa nakalipas na mga taon, kapwa dumami ang turistang Pinoy sa Japan, gayundin ang pagdagsa ng mga Hapon na turista dito naman sa Pilipinas.

Nakatutuwang isipin na ang dating magkalabang bansa noong World War II ay nagtutulungan na ngayon. Hindi maitatanggi na sa nakalipas na mga panahon ay malaki ang naging kontribusyon ng Japan sa maraming proyektong pang-imprastruktura sa Pilipinas na napondohan mula sa pautang ng Japan, na may mababang interes lang.

At kahanga-hanga rin sa Japan ang naging mabilis nilang pagbangon sa sinapit nilang kalamidad dulot ng lindol at tsunami. Ito’y dahil na rin sa kanilang disiplina at tunay na pagkakaisa bilang isang bansa. Kaya kahit dumanas sila ng matinding kalamidad, hindi pa nila nakalimutang tumulong sa ating bansa nang tayo naman ay bayuhin ni Yolanda.

Sa tulong at suportang ibinibigay ng Japan sa Pilipinas, walang kaduda-duda na isa silang bansang kaalyado ng mga Pilipino, na gaya ng Amerika. Kaya naman nang bumisita si PNoy sa Japan, kabilang sa mga natalakay ay ang posibleng pagkakaroon ng Pilipinas at Japan ng pagsasanay militar gaya ng ginagawa ng Pilipinas at Amerika, na tinatawag na Visiting Forces Agreement.

***

Gaya ng PHL-US Balikatan, ang pagsasanay ng militar ng dalawang bansa ay hindi lamang sa posibleng pagsabak sa digmaan. Daan din ito para palakasin pa lalo ang ugna­yan ng dalawang bansa, makapagbahagi ng kani-kanilang kaalaman at paghahanda sa pagtugon sa iba pang posibleng mangyari tulad ng pagtugon sa kalamidad.

Hindi naman maikakaila na malaki at naging mabilis ang pagdating ng ayuda ng US sa Pilipinas nang tumama ang bagyong Yolanda para makapagligtas ng maraming buhay. At kung kagamitan din lang naman ang pag-­uusapan, natural na mas moderno ang mga gamit ng Japan (gaya ng US) na tiyak na makatutulong sa ating puwersa para madagdagan ang kanilang kaalaman.

Pero gaya ng pagbabalikatan ng PHL at US, kaagad na nagpahayag ng pagtutol ang China sa mungkahing PHL-Japan VFA. Hindi raw makatutulong sa luma­lalang tensyon sa West Philippine o South China Sea ang mga pagbuo ng alyansang militar.

Teka, sino ba ang puno’t dulo o ugat ng paglala ng tensyon sa WPS? Hindi ba ang China dahil sa mapa nilang made in China na “nine-dash line” na inaangkin ang halos buong WPS at isama pa diyan ang ginagawa nilang reclamation ng mga isla.

Baka naman naiinggit ang China sa Pilipinas dahil may mga kaibigan tayong bansa na handang makipagtulungan sa atin.

Ang mabuti pa, itigil na ng China ang pagiging “bully” nila sa Asya. Maging magandang ehemplo sila ng kapayapaan at pagkakaisa sa mundo at magsilbing big brother ng mga bansa sa Asian region. Kapag ginawa nila iyan, baka maisipan ng mga lider natin na magkaroon ng VFA version ng PHL at China sa hinaharap. “
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/june1015/edit_spy.htm#.VXjvr89Viko

No comments: