Wednesday, June 17, 2015

Bagong rebolusyon REY MARFIL



Bagong rebolusyon
REY MARFIL

Sa kauna-unahang pagkakataon, idinaos ng pamahalaan ang selebrasyon ng Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas sa Visayas nitong nagdaang June 12 -- partikular sa Sta. Barbara, Iloilo. Pero pagkaraan ng 117 taon mula nang makalaya tayo sa pananakop ng mga Kastila, isang celebrity ang nagtanong sa pamamagitan ng social media:
“Ano raw ba ang ipinagdiriwang nating kalayaan gayong ‘di pa raw naman malaya ang bansa natin sa utang, kahirapan, krimen at katiwalian?”

Kahanga-hanga nga ang ginagawa ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na gawin din sa labas ng Maynila ang paggunita at pagdiwang ng Araw ng Kalayaan. Mula nang maupo siyang lider ng bansa noong July 1, 2010, idinaos na ang selebrasyon ng kalayaan ng bansa sa Kawit, Cavite (2011); sa Simbahan ng Barasoain sa Malolos, Bulacan (2012); sa Liwasang Bonifacio sa Maynila (2013), at sa Naga, Camarines Sur (2014).

Pero hindi lang naman basta pinili ang mga lugar na nabanggit na pagdausan ng Araw ng Kalayaan ng bansa. Kung susuriin, ang mga nabanggit na lugar ay may mahalagang bahagi sa kasaysayan ng ginawang pakiki­paglaban ng ating mga ninuno laban sa mga mananakop. 

Gaya na lang sa Sta. Barbara, Iloilo, dito unang iwinagayway ang ating bandila sa labas ng Luzon na nangyari noong Nobyembre 17, 1898. Hudyat ito ng paghihimagsik ng mga nasa Visayas laban sa mga Kastila. At nang manaig ang rebolusyon at maitatag ang Unang Republika ng Pilipinas, kaagad ding nakiisa ang mga kasama sa kilusan.

Kaya naman marapat ang ginagawang ito ni PNoy na iikot sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan. Batid kasi ng Pangulo at kinikilala niya na hindi lang naman ang mga mamamayan sa Maynila o Luzon ang nag-aklas laban sa mga Kastila para mawakasan ang 300 taong pananakop nila sa ating bansa. Kasama rin sa mga nagbuwis ng kanilang buhay ang mga kababayan natin sa Visayas at Mindanao.

Katunayan sa kanyang talumpati sa selebrasyon ng Araw ng Kasarinlan sa Sta. Barbara, Iloilo, inihayag ni PNoy ang mithiin na ipagdiriwang ang 118th year ng kalayaan ng bansa sa Mindanao. Magandang plano ito kung matutuloy para sa huling mga araw ng kanyang termino bilang Pangulo ng bansa na magtatapos sa katapusan ng Hunyo 2016.

Pero sa gitna ng selebrasyon ng mga kababayan natin sa tinamasa nating kalayaan mula sa pananakop ng mga Kastila at paggunita rin sa ginawang pag-aalay ng buhay ng ating mga bayani, isang celebrity ang nag-tweet at nagtanong kung ano raw ba ang ipinagdiriwang ng bansa, “gayong hindi pa raw tayo malaya sa utang, kahirapan, krimen at katiwalian.”

***

Dahil sa post na iyon ng celebrity, hindi maiwasan na ma-bash siya o mabatikos ng mga netizen na nakakaunawa sa ibig sabihin ng kalayaan na ipinagdiriwang natin. Marami ang nagpaalala sa celebrity na ang pag-post pa lang niya ng natu­rang tanong ay isa nang dahilan para ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan -- dahil may kala­yaan siyang magpahayag.

Kung may bumatikos sa celebrity, mayroon din namang nagdepensa. Tama lang naman daw na punahin ang pagkakatali ng bansa sa utang, kahirapan, katiwalian at krimen. May iba naman na nagsabing ang ipinagdiriwang natin ng June 12 ay paglaya natin sa dayuhang mananakop -- na paalala upang magkaisa ang mga Pilipino upang hindi na muling maulit pang masakop tayo ng mga dayuhan.

Sa huli, magandang nagkakaroon ng diskusyon tungkol sa usapin ng ating kasarinlan. Pagpapakita ito ng sadyang may kalayaan tayo na magbigay ng ating sa­riling pananaw nang walang kinatatakutan -- hindi gaya noong panahon din ng diktaduryang rehimen na bawal ang magsalita nang laban sa gobyerno.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey) 
http://www.abante-tonite.com/issue/june1715/edit_spy.htm#.VYIZCflViko

No comments: