Simbolo ng sining sa entablado | |
REY MARFIL Nitong nagdaang mga taon, unti-unting umaariba ang isang uri ng sining na halos muntikan nang makalimutan ng mga Pilipino -- ang teatro. Marahil, kung hindi naging bida si Lea Salonga sa stage play na Miss Saigon sa abroad noong 1989, baka tuluyan nang nalaos sa Pilipinas ang buhay na pag-arte na may kasamang pag-awit at sayaw sa ibabaw ng entablado. Walang duda na malaki ang naitulong ni Lea upang mapanatili sa kamalayan ng mga Pilipino ang stage o musical play. Bakit ba naman hindi, bukod sa pagiging “Kim” sa Miss Saigon, nagbida rin si Lea sa isa pang sikat na stage play na Les Miserables at nanalo siya ng best acting award sa prestihiyosong Tony Awards, ang Oscars sa teatro. Ngunit bago pa man sa panahon ni Lea at hindi nauuso ang mga sinehan, ang stage play ang pangunahing libangan ng mga ninuno nating Pinoy. Marami sa mga batikan at beteranong artista natin ay nagmula sa pag-arte at pagsasayaw sa entablado o teatro. Katunayan, isa sa mga buhay na makapagpapatunay sa mayamang sining ng teatro noon ay si Kuya Germs o German Moreno. Kaya nga lang, sa paglipas ng panahon, ang mga lugar na pinagdarausan noon ng mga teatro -- na karamihan ay nasa Recto o Avenida Avenue sa Maynila ay ginawang sinehan nang mauso na ang paggawa ng mga pelikula. At sa paglipas pa muli ng mga panahon, ang mga sinehan na ito na dating tahanan ng mga artista ng teatro ay giniba at tinayuan ng ibang gusali, kung hindi man ay nabubulok na at napabayaan. At marahil kung hindi kumilos ang pamahalaan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, baka ganito rin ang sapitin ng itinuturing na sentro ng sining ng teatro -- ang Manila Metropolitan Theater o MeT, na hindi kalayuan sa Manila City Hall. *** Dahil sa kasaysayan sa likod ng MeT, idineklara itong national treasure ng National Commission on Culture and the Arts noong 2009. Ngunit gaya ng sining ng teatro, naghingalo rin ang MeT mula nang mapinsala ito noong World War II. Ilang ulit na itong inayos, isinara, inayos at hanggang tuluyang nagsara noong 2012. Ang dating tahanan ng mga mahuhusay na alagad ng sining, naging tahanan ng mga insekto. Ang dating teatro na dinadayo ng mga manonood, mga istambay at palaboy na lang ang makikita sa labas. Ang mga maningning na disenyo, unti-unting kumupas at nawalan ng halina. Pero ngayon, mabibigyan ng bagong pag-asa ang MeT matapos na aprubahan ng pamahalaan ni PNoy ang pagpapalabas ng pondo para mabili ng NCCA ang gusali sa Government Service Insurance System (GSIS), na siyang nagmamay-ari na sa teatro. Ang pondo na umaabot P270 milyon ay ibinigay ng Department of Budget and Management sa NCCA. Ang naturang pondo ay mula naman sa National Endowment Fund for Culture and the Arts. Kung hindi sinuportahan ni PNoy ang NCCA para mabili ang MeT, posibleng napunta ang makasaysayang teatro sa lokal na pamahalaan ng Maynila na interesado rin sa gusali. Pero sino ang nakakaalam sa kung ano ang maaaring gawin sa MeT ng mga susunod na liderato ng city hall? Pero sa ilalim ng pangangalaga ng MeT, tiyak na mapapangalagaan ang mayamang kasaysayan nito. Pero gaya ng stage o musical play na muling nakabalik sa interes ng mga Pilipino, tiyak na makababalik din ang MeT at tiyak na dito na muling mapapanood ang mga palabas sa ibabaw ng entablado. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey) http://www.abante-tonite.com/issue/june2415/edit_spy.htm |
Wednesday, June 24, 2015
Simbolo ng sining sa entablado REY MARFIL
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment