Mayaman ang karagatan ng Pilipinas | |
REY MARFIL |
May isa na namang bagay na dapat ipagmalaki ang mga Pilipino -- at dapat ding ikabahala: ang pagkakatuklas ng mga American scientist kung gaano kayaman sa yamang-dagat ang Pilipinas.
Sa isang ulat kasi na inilathala sa website ng California Academy of Sciences, inilabas nila ang mahigit 100 bagong marine species na nadiskubre nila sa ilalim ng karagatan ng ating bansa. Ang mga bagong uri ng marine species o mga nilalang na nabubuhay sa ilalim ng ating karagatan ay bunga daw ng ilang buwan na paghalughog nila sa bahagi ng karagatan ng Pilipinas na tinatawag na Verde Island Passage sa Luzon, partikular ang malapit sa Mindoro at Romblon.
Masaya ang mga siyentista sa kanilang natuklasan sa Pilipinas dahil kasama pala ang bansa natin sa ilan pang bansa -- kabilang ang Indonesia, Malaysia, the Philippines, Papua New Guinea, Timor Leste at Solomon Islands -- sa tinatawag nilang The Coral Triangle, na pakay ng kanilang pag-aaral.
Hindi kasama ang China.
Kabilang sa kanilang mga nakita ay mga pambihira at mga bagong species ng makukulay na sea slugs, heart urchins, barnacles, ilang isda, corals at iba pa. May mga nilalang sa ilalim ng dagat na sinasabing nagliliwanag sa dilim gaya ng jelly fish ay kasama sa mga nadiskubre.
At sa kanilang mga nadiskubre sa Pilipinas, labis na namangha ang mga siyentista. Sabi ng principal investigator ng expedition na si Terry Gosliner, senior curator of invertebrate zoology sa California Academy of Sciences: “The Philippines is jam-packed with diverse and threatened species -- it’s one of the most astounding regions of biodiversity on Earth.”
***
Plano rin ng akademiya na magbukas ng tinatawag nilang Twilight Zone aquarium exhibit para makita ng publiko ang mga nilalang sa malalim na bahagi ng dagat. Kung makikita raw ng publiko ang mga nilalang ng dagat na ito, mas mauunawaan daw natin kung bakit kailangan nating pangalagaan ang karagatan.
Kung tutuusin, marami sa ating mga Pinoy at maging ang pamahalaan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ay masigasig sa pagsusulong ng mga programa para protektahan ang ating karagatan dahil na rin sa pinagkukunan ito ng kabuhayan at ikabubuhay.
Sabi ni Bart Shepherd, director ng Steinhart Aquarium, “Most of what we observe and collect is so special -- and often new to science.”
Sana ituloy nila ang kanilang planong ipakita sa publiko ang mga magagandang nakita nila sa ilalim ng dagat ng Pilipinas. At unahin nilang ipa-exhibit ito sa China para ipaunawa sa kanila na hindi nila dagat ang winawasak na corals sa West Philippine Sea na hinahakot ng kanilang mga mangingisda at mga nasisira sa ginagawa nilang mga isla.
Ang delikado lang dito, ngayong alam na nila kung saan lugar pa sa Pilipinas na may mayamang yaman ng dagat, baka isama na rin nila ito sa kanilang mapang made China na “nine dash line” kuno.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment