Friday, June 26, 2015

Ang basbas at ang survey REY MARFIL




Ang basbas at ang survey
REY MARFIL



Tulad ng inaasahan, nakabawi ang trust at satisfaction ratings ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa bagong survey ngayong June mula sa “pinakamababang” marka na nakuha niya noong Marso. Ngunit kung marami ang natuwa, tiyak na mayroon ding ilan na nabahala habang papalapit ang pampanguluhang halalan sa 2016.

Pero dahil sadyang napakataas ng tiwala ng publiko kay PNoy mula nang inihalal siyang Pangulo noong 2010, kahit ang mataas na 36 percent ay naging “mukhang” mababa.

Sa hiwalay na survey naman ng Social Weather Station na ginawa noong June 5-8, 2015, nakabawi rin ang satisfaction rating ni PNoy (o bilang ng mga taong nasisiyahan sa kanyang trabaho) sa net rating na positive 30, mula sa “record low” din niya na positive 11 noong Marso.

Sa datos ng SWS, lumitaw na muling dumami ang nagsabing nasisiyahan sila sa trabaho ni PNoy sa June survey na 57 percent satisfied at nabawasan ang dis­satisfied sa 27 percent. Noong Marso, 47 percent lang ang nagsabing satisfied sila sa trabaho ng Pangulo at mataas naman ang dissatisfied nasa 36 percent.

Muli, kung ikukumpara sa mga dating lider na papatapos na ang termino, mataas pa rin ang mga markang ito ni PNoy. Kaya naman hindi katataka-taka na makabawi kaagad siya dahil patuloy lang naman sa pagta­trabaho ang Pangulo.

***

Bukod dito, sa paglipas ng mga araw ay nalilinawan ang publiko sa mga isyung ibinabato sa administrasyon. May ilan kasing isyu noong panahon na gawin ang resulta ng March survey na hindi pa lubos na nalilinawan. Kabilang na nga rito ang naganap na trahedya sa Mamasapano, Maguindanao kung saan nasawi ang 44 na ka­sapi ng Special Action Force ng Philippine National Police.

Idagdag pa ang isyu ng Bangsamoro Basic Law na itinataguyod ni PNoy dahil naniniwala siya na makatutulong ito para sa kapayapaan sa Mindanao.

Iyon nga lang, sa pag-angat muli ng ratings ni PNoy, tiyak na may ilan na hindi matutuwa -- kabilang na ang mga kritiko na umaasang tuluy-tuloy na ang pagsadsad ng marka ng Pangulo hanggang sa sumapit ang halalan sa 2016. Karaniwan nga kasing bumababa ang ratings ng Presidente kapag patapos na ang termino nito -- bagay na tila hindi mangyayari kay PNoy.

Bakit nga ba ipinagdadasal ng iba na bumaba nang husto ang tiwala ng publiko kay PNoy at dumami ang hindi na masiyahan sa kanyang trabaho? In short, bakit gusto nilang maging “lame duck” o “walang silbing” Presidente si PNoy habang papalapit ang araw na aalis na siya sa Malacañang?
Ang sagot, dahil sa May 2016 elections.

Hindi maaalis na may mga grupo o kandidato na ma­ngamba na iboboto ng mga tao ang sinumang mga kandidato na iendorso niya sa halalan sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno. Kung mataas pa rin ang tiwala ng tao kay PNoy at patuloy silang nasisiyahan sa pamamahala niya, natural na pagtitiwalaan din ng mga mamamayan ang sinumang kandidato na babasbasan niya dahil inaasahan na sila ang magpapatuloy ng “daang matuwid”.

Pero sa halip na mangamba, dapat ikatuwa at suportahan ang pagtaas pa ng marka ni PNoy dahil indikasyon ito na patuloy siyang nagsisikap at nagtatrabaho para mag-iwan ng isang maayos na pamahalaan at ekonomiya para sa mga susunod na opisyal na mamumuno sa ating bansa.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/june2615/edit_spy.htm#.VY4LzvlViko

No comments: