Friday, May 29, 2015

Kastilyong buhangin



Kastilyong buhangin
REY MARFIL

Lalong tumitindi ang tensiyon sa West Philippine o South China Sea matapos mapatunayan mismo ng Amerika ang paghahari-harian ng China na gustong kontrolin ang mga sasakyang-pandagat at maging sa himpapawid na dumadaan sa bahagi ng pinag-aagawang teritoryo.

Nang mapadaan kasi minsan ang isang surveillance aircraft ng Amerika sa pinag-aagawang teritoryo, pilit itong pinapaalis o itinataboy ng Chinese Navy dahil sakop daw nila ang teritoryo. 

Inaangkin ng China ang halos 90 porsiyento ng West Philippine o South China Sea base sa ipinagpipilitan nilang mapa na nine-dash-line. Nagtayo pa sila ng mga isla sa pamamagitan ng pagtambak ng buhangin na ga­ling sa ilalim ng dagat sa mga bahura at batuhan. Kabilang sa mga artipisyal na isla na itinayo ng China ay nasa teritoryo ng Pilipinas.

Pero kung tutuusin, ang lugar na niliparan ng surveillance aircraft ng US ay itinuturing na international water at airspace kaya malaya dapat na dumaan doon ang anumang barko at eroplano.  

Ang ginagawa ng China ay pagsikil o pagkontrol sa kalayaan sa pagbiyahe ng lahat ng bansa sa natu­rang lugar.

Katwiran ng China, ipinaglalaban nila ang kanilang karapatan na protektahan ang kanilang teritoryo. Ang kanila raw paninindigan, “to maintain sovereignty and territorial integrity is as solid as a rock.”

Maganda sana ang naturang linya ng China kung totoo. Ang kaso, ang mga lugar na kanilang inaangkin at nilagyan ng isla ay hindi nila teritoryo kundi teritoryo ng Pilipinas. Kung may basehan ang kanilang pag-angkin, bakit ayaw nilang sagutin ang protesta o kaso na isinampa ng pamahalaang Aquino sa arbitration panel ng Uni­ted Nations tungkol sa kanilang ginagawang pambabarako sa Pilipinas.

Bukod dito, malinaw na ang sinasabi nilang ipinaglalabang teritoryo sa West Philippine o South China Sea ay hindi “solid as rock” kundi mga isla “na gawa sa buhangin”.

***

Sa harap ng umiinit na girian ng US at China sa usapin ng “freedom of navigation” sa West Philippine o South China Sea, na hiwalay sa pansarili nating problema sa China tungkol sa pang-aagaw nila sa ating teritoryo, nananatili ang posisyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na resolbahin ang usapin sa mapayapang paraan.

Gayunman, nagpahayag si PNoy na patuloy na bibiyahe ang mga eroplano ng Pilipinas sa mga ruta na kinikilala ng pandaigdigang batas na puwedeng maglayag kahit pa sa mga lugar na nais kontrolin ng China. Sa nga­yon, hindi pa naman direktang nagdedeklara ang China ng air defense identification zone o ADIZ sa pinag-aagawang teritoryo kaya hindi pa masasabing mahigpit ang pagbabantay nila sa mga sibilyang eroplano.

Pero habang maaga pa, marahil ay dapat na ring subukin ng ibang bansa sa Asya -- lalo na ng iba pang bansa na may inaangkin ding bahagi sa pinag-aagawang te­ritoryo kabilang ang Malaysia, Taiwan, Brunei, Vietnam -- ang ginagawang pagkontrol ng China sa lugar at kondenahin para makita ng mundo ang nangyayari sa West Philippine o South China Sea.

Sa kabila ng pambabarako ng China at pagpapakita ng kanilang lakas-militar, tiyak na manghihina ito kapag pumanig sa Pilipinas ang desisyon ng arbitration panel, at kung maglalabas ng nagkakaisang tinig ang ASEAN countries at maging ang iba pang bansa sa ibang panig ng mundo kaugnay sa panganib na ginagawa ng China na maaaring pagsimulan ng digmaan.

Dapat malaman ng China sa laman ng isang awitin ni Basil Valdez, na ang kastilyong buhangin ay sakdal-rupok at huwag ‘di masaling, guguho sa ihip ng ha­ngin. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/may2915/edit_spy.htm#.VWhimc9Viko

No comments: