Monday, June 8, 2015

May magpapatuloy!



May magpapatuloy!
REY MARFIL


Hindi ba’t kapuri-puri ang kautusan ni Pangulong Noynoy ‘P-Noy’ Aquino sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipagpatuloy ang pagka­kaloob ng kabuhayan sa 90,078 pamilyang naapektuhan ng super typhoon Yolanda sa Leyte sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP).

Batid ni Pangulong Aquino ang kahalagahan na maibigay pa rin ang ayuda kung saan nakapaglaan na ang DSWD ng P547 milyon para sa implementasyon ng SLP ngayong taon.

Malaki kasi ang magagawa ng patuloy na pagtulong ni Pangulong Aquino para makaahon sa kahirapan ang mga pamilyang nasalanta ng bagyo.

Pinangunahan ni DSWD Assistant Secretary Camilo Gudmalin ang isang seminar sa ilalim ng Accelerated and Sustainable Anti-Poverty Program (ASAPP) ng Human Development and Poverty Reduction (HDPR) Cluster.

Isinagawa ang workshop sa Palo, Leyte na inorganisa ng DSWD bilang pinuno ng HDPRC para matulungan lalo ang mga biktima ng bagyong Yolanda.

Dinaluhan ang seminar ni Leyte Governor Dominic Petilla, 40 alkalde ng lalawigan, 26 na pinuno at kinatawan ng pambansang ahensya.

Sa workshop, tinukoy ng local government units (LGUs) ang pangunahing mga negosyo na mayroong kakayahan na magbigay ng trabaho habang inilatag naman ng mga kinatawan ng pambansang ahensya ang kani-kanilang mga programa kontra kahirapan.

Kabilang sa mga sektor na puwedeng pasukin para sa hanapbuhay ang eco-tourism at agrikultura para sa munisipalidad ng Kananga; produksyon ng chicharon sa Tunga; pag­linang ng pantalan sa San Isidro, Calubian, at Tabango; water-refilling, hot spring development, at pagpapalawak ng elektripikasyon sa Burauen; soft broom at hollow block-making sa Julita; at eco-tourism at peanut production sa Dulag.

Hindi natutulog ang pamahalaan sa pagtiyak ng ka­galingan at interes ng mga nasalanta ng bagyong Yolanda.

***

Hindi madali ang kampanya na burahin ang katiwalian sa pamahalaan. Hindi talaga sapat ang anim na taong termino ng isang matinong lider para bunutin ang malalim na ugat ng korupsyon sa bansa na ilang dekada nang nakabaon.

Gayunman, sabi nga ng mga matatanda -- kung hindi man matapos kaagad ang isang gawain, ang ma­halaga ay nasimulan na.

Si PNoy na rin mismo ang nagsabi na hindi ang ikalawang termino ang solusyon para magpatuloy ang mga reporma na kanyang nasimulan. Hindi katulad ng ibang lider, hindi ganid sa kapangyarihan ang Pangulo.

Tulad ng kanyang namayapang ina na si dating Pa­ngulong Cory Aquino, pinili ni PNoy na mag-iwan na lang ika nga ng legacy at ang kanya ng mga “boss” na ang bahalang magpatuloy.

Kung demokrasya ang iniwan ng legacy ni Tita Cory, masasabi natin na matatag na ekonomiya at paglaban sa katiwalian ang iiwan na marka ng administrasyon ni PNoy kahit may mahigit na isang taon pang natitira sa kanyang termino.

Sa ilalim ng panunungkulan ni PNoy, nasampahan ng kasong pandarambong at katiwalian ang maraming opisyal, kabilang na si dating Pangulong Gloria Arroyo at ilang senador. Kahit ang ilang kaalyado niya sa pulitika na nabahiran ng pagdududa ang kredibilidad dahil sa usapin ng katiwalian at kapabayaan sa pamamahala ay hindi nakaligtas.

Sa usapin ng ekonomiya, bumalik na ang kumpiyansa at tiwala ng mundo para mamuhunan sa Pilipinas. Bu­nga ito ng pagkakaroon ng matatag na pulitika sa bansa, pagiging mapayapa at patas sa paglalagak ng negosyo. Kaliwa’t kanan ang natanggap na “credit upgrade” ng Pilipinas sa mga pandaigdigang financial institution. Pagpapatunay ng kanilang tiwala sa katatagan ng bansa sa ilalim ni PNoy.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: