Kaliwa’t kanang pagkilala! | |
REY MARFIL |
Produkto na naman ng matuwid na daan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang malaking pagbaba sa bilang ng mga batang hindi nag-aaral noon.
Mula kasi sa 11.7 porsiyentong out-of-school youth noong 2008, naging 5.2 porsiyento na lamang ito nitong 2012.
Tinutukan kasi ni PNoy ang mga reporma sa edukasyon kaya naman nagkaroon ng magandang bunga upang lalong makapag-aral ang mga bata.
Base sa pananaliksik ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) at United Nations Children’s Fund (UNICEF), lumabas na nabawasan ang bilang ng mga batang may edad lima hanggang 15 na hindi nakakapag-aral.
Naiulat ang resulta ng pag-aaral sa Global Initiative on Out-of-School Children Philippine Country Study na inilabas ng UNICEF at iprinisinta mismo ng PIDS at UNICEF sa isang seminar kamakailan.
Nag-ugat ang magandang resulta sa pagkakapasa at implementasyon ng mandatory kindergarten at K to 12 Law; pagtaas sa badyet ng Department of Education; at pagpapalawak ng conditional cash transfer (CCT) program o Pantawid Pamilyang Pilipino Program kung saan hinihimok ang mga pamilya na panatilihin ang kanilang mga anak sa eskwelahan.
Sapul nang maupo si PNoy, tumaas na ng mahigit sa 15 porsiyento ang pondo ng sektor ng edukasyon alinsunod sa direktiba ng Pangulo.
Malinaw na nagbunga ng maganda ang matuwid na daan ni PNoy sa larangan ng edukasyon kaya naman maraming bata ngayon ang mga nasa eskwelahan.
Maganda talaga ang pananaw ng Punong Ehekutibo na walang maiiwan, mahirap man o mayaman sa pagkakaroon ng de-kalidad na edukasyon para sa magandang kinabukasan ng mga kabataan.
***
Inaasahan talaga ang malaking positibong pagbabago ng Pilipinas sa estado ng Rule of Law Index 2015 o ang pagpapatupad ng umiiral na mga batas.
Sa nailabas na 2015 Rule of Law Index ng World Justice Project, nasa ika-51 na ranggo ngayon ang Pilipinas mula sa kabuuang 102 nasyon.
Naka-base sa Washington D.C. ang World Justice Project na isang independent multidisciplinary organization na tumitiyak na naipatutupad ang umiiral na mga batas sa buong mundo at itinatag noong 2006 sa tulong ng inisyatiba ng American Bar Association.
Umangat ngayon ng siyam na puwesto ang bansa na nasa ika-60 posisyon noong 2014. Kinilala ang Pilipinas bilang “most improved” na nasyon sa mga bansang kasapi ng South East Asian Nations (ASEAN) kung saan nasa ika-siyam na puwesto sa hanay ng 15 bansa sa Silangang Asya at Pasipiko ngayong 2015.
Sa ilalim ng matuwid na daan at malinis na pamamahala ni PNoy, sinabi ni American Bar Association Rule of Law Initiative Director Elizabeth Andersen na kabilang ang Pilipinas sa tatlong bansa na mayroong matagumpay na mga kuwento ng pagpapatupad ng mga batas.
Kabilang sa tinukoy ni Ms. Andersen ang mga pagbabago sa ‘judicial at policy reforms’ ng bansa, kabilang dito ang court automation ng pamahalaang Aquino para sa Department of Justice (DOJ) at alisin ang bansa sa Intellectual Property Watch List.
Dahil sa malaking tagumpay na ito, asahan nating lalong magsusumikap si PNoy na lalo pang maisulong ang mga reporma sa pamahalaan na siguradong pakikinabangan muli ng maraming Filipino.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment