Friday, June 5, 2015

Napakalayo na!



Napakalayo na!
REY MARFIL


Nakakabilib ang malinis na pamamahala ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na nagresulta upang lumago ng 7.3 porsiyento ang ekonomiya ng bansa sa unang quarter ng taon base sa Moody’s Analytics.

Kinumpirma ng Moody’s Analytics ang patuloy na paglago ng ekonomiya ng bansa sa ilalim ng matuwid na daang kampanya ni Pangulong Aquino.

Isang think tank ang Moody’s Analytics na kaalyado ng Moody’s Investors Service, isa sa tatlong panguna­hing credit rating agencies sa buong mundo.

Hindi naman nakakapagtaka na lumago sa unang tatlong buwan ng taon ang gross domestic product (GDP) ng bansa dahil sa sobrang laki ng tiwala ng mga namumuhunan kay PNoy.

Asahan nating gagawing inspirasyon nina National Economic and Development Authority Director General Arsenio Balisacan at Philippine Statistics Autho­rity (PSA) National Statistician Lisa Grace Bersales ang magandang 2015 First Quarter Performance of the Philippine Economy para lalong makinabang ang mga Filipino.

***

Kinilala ng Moody’s Analytics ang pagtutok nang husto ni Pangulong Aquino sa pamumuhunan sa pagtatayo ng mga imprastraktura kaya lalong umangat ang ekonomiya ng bansa.

Nakita rin ng Moody’s ang malakas na pagluluwas ng bansa ng electronics dahil sa lumalakas na pangangaila­ngan sa buong mundo lalung-lalo na sa Estados Unidos.

Maganda rin ang naging pakinabang ng bansa sa mababang presyo ng mga produktong petrolyo kaya malaki ang kanilang natipid sa konsumo.

Dahil sa 7.3 porsiyentong pagsikad sa ekonomiya ng bansa, malaki ang maitutulong nito upang makamit ang target ng administrasyong Aquino na 7 hanggang 8 porsiyentong paglago ng ekonomiya ng bansa.

Sa pagtatapos ng 2014, nakapagtala ang Pilipinas ng 6.1 porsiyentong paglago ng ekonomiya.

Noong 2014 rin, kinilala ang Pilipinas bilang ikatlong bansa na nakapagtala ng pinakamabilis na pag­lago ng GDP kumpara sa mga ekonomiya ng Asia-­Pacific Economic Cooperation (APEC), kasunod ng Papua New Guinea at China.

Hindi nakakapagtaka na lalong bumuti ang lagay ng buhay ng maraming pamilyang Pilipino dahil sa ma­linis na pamamahala ni PNoy.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/june0515/edit_spy.htm#.VXGfTM9Viko

No comments: