Pasisiglahin pa lalo ang ekonomiya | |
REY MARFIL |
Habang pulitika na ang simoy ng hangin sa ilan dahil sa nalalapit na 2016 national elections, pagpapalakas pa lalo ng ekonomiya ang nasa isipan naman ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino para makalikha pa ng mas maraming trabaho sa mga Pilipino sa nalalabing panahon ng kanyang liderato.
Kamakailan lang, kaagad na pinulong ni PNoy ang kanyang gabinete matapos maitala ang mababang 5.2 percent na paglago ng ekonomiya sa unang tatlong buwan ng 2015. Ito na ang itinuturing pinakamababang paglago ng ekonomiya sa bawat bahagi ng taon mula noong 2012.
Kung tutuusin, mataas pa rin naman ang naturang paglago pero nais ni PNoy na mapantayan kung hindi man mahigitan ang karaniwang nasa anim na porsiyentong taunang paglago ng ekonomiya na naitatala sa ilalim ng kanyang halos limang taong liderato.
Ang pagbaba ng growth rate sa unang tatlong buwan ng kasalukuyang taon ay iniuugnay sa mahinang paggastos ng pamahalaan. Kaya naman sa pamamagitan ng nasabing pagpupulong ng gabinete, inatasan ni PNoy ang kanyang mga opisyal na maglatag ng mga programa upang matiyak na makababawi sa mga susunod na buwan para makamit ang target na pito hanggang walong porsiyento ng paglago ng ekonomiya sa pagtatapos ng 2015.
Seryoso at pursigido ang pamahalaan na makamit ang inaasam na paglago ng ekonomiya at maibahagi ito sa mga Pinoy na lubhang nangangailangan. Bukod sa pagtiyak na maibibigay sa mga mamamayan ang mga pangunahing serbisyo at pangangailangan, ang pagkakaloob ng mga trabaho sa mga tao ang nais na mangyari ni PNoy.
Hindi naman bigo ang Pangulo sa hangarin niyang ito, batay na rin sa pinakabagong ulat na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) tungkol sa Labor Force Survey para sa unang bahagi ng taon.
Bagaman lumitaw na mas mababa kumpara sa inaasahan ang paglago ng ekonomiya sa unang bahagi ng 2015, naitala naman ng PSA na nadagdagan ang mga Pinoy na may mga trabaho sa isinagawang LFS nitong Abril.
***
Mula sa seven percent na unemployment rate noong nakaraang taon, napanatili ito sa 6.4 percent. Ang mga tinatawag na underemployed, o iyong mga manggagawa na naghahanap ng karagdagang oras ng trabaho para madagdagan ang kita, naibaba sa 17.8 percent mula sa dating 18.2 percent.
Indikasyon ito na ang mga dating underemployed ay posibleng nakahanap na ng mas mahusay na trabaho na makasasapat sa kanilang pangangailangan. Kaya naman hindi na nila kailangang maghanap ng iba pang trabaho o dagdag na oras ng mapagtatrabahuhan para madagdagan din ang kanilang kita.
Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary at NEDA Director General Arsenio Balisacan, makakamit at maaaring mahigitan ng pamahalaan ang inaasinta nitong bilang ng trabaho na malilikha at maibibigay sa mga kababayan ngayong taon.
At dahil dumadami rin ang mga kabataan na edad 15 at pataas sa puwersa ng lakas-paggawa sa bansa, napapanahon talaga ang pagpapatupad ng K to 12 program upang mabigyan na kaagad ng sapat na kaalaman at kasanayan ang mga mag-aaral sa senior high school para maihanda sila sa mundo ng paggawa sa darating na mga panahon.
Kung magpapatuloy ang paglago ng ekonomiya na siyang pakay ng ipinatawag na pulong ni PNoy sa mga kasapi ng gabinete, malamang na maging mas maganda talaga para sa mga Pilipino ang pagtatapos ng 2015. Ipagdasal na lang natin na wala sanang matinding kalamidad na dumating sa bansa -- gawa man ng tao o kalikasan.
“Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment