Lumalakas ang turismo | |
REY MARFIL
Hindi ba’t kapuri-puri ang ginawang hakbang ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na talakayin sa kanyang pagbisita sa Canada ang pagresolba sa shipping containers na naglalaman ng mga basura na dumating sa Pilipinas mula sa nasabing bansa.
Iniutos na rin noon pa ni PNoy sa Bureau of Customs (BOC) na sampahan ng mga kasong kriminal ang importer na Chronic Plastics at licensed brokers dahil sa ilegal na shipments. Tinatayang 50 shipping containers na naglalaman ng iba’t ibang basura ang ilegal na ipinasok sa bansa mula Canada noong Hunyo hanggang Agosto 2013. Patuloy ang ginagawang pagsusumikap ng Pangulo para agarang mahanapan ng solusyon ang problema. Kinasuhan ng BOC noong Pebrero 2014 ang Chronic Plastics at licensed brokers ng paglabag sa Tariff and Customs Code of the Philippines, at Toxic Substance and Hazardous Wastes and Nuclear Wastes Control Act of 1990 (Republic Act 6969). Noong Disyembre 2014, isinampa ng prosekusyon matapos ang preliminary investigation ang kabuuang 15 kasong kriminal sa Manila Regional Trial Court (MRTC) laban sa mga ito. Nagsagawa ang Interagency Technical Working Group (ITWG) na pinumunuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng Waste Analysis and Characterization Study (WACS) para madetermina ang laman ng shipping containers. Sa resulta, naglalaman ang shipping containers ng mga basurang hindi maaaring ma-recycle, ngunit maaari namang ayusin para maitapon at hindi maging mapanganib. Inirekomenda ng ITWG ang pagproseso sa mga basura gamit ang tamang paraan at pamantayan upang maitapon ang mga ito sa pamamagitan ng tinatawag na cement kiln co-processing o direktang pagtatapon sa landfill. Batid ng Pangulo ang kahalagahan na magkaroon ng hustisya sa pangyayari lalo’t lubhang mapanganib sa kaligtasan ng publiko ang mga basurang natakambak pa sa Port Area sa nakalipas na dalawang taon. *** Malaki ang maitutulong sa turismo ng katatapos lamang na P150-milyong kalsada sa Bukidnon patungo sa isa sa mga pangunahing tourist attraction doon. Naging posible ang bagong access road na ginawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pamamagitan ng matuwid na daan ni PNoy. Nasa ilalim ang programa ng Tourism Infrastructure Program na matatagpuan sa Sitio Kalanganan, Barangay San Vicente sa bayan ng Baungon. Dahil sa proyekto, magiging madali para sa mga turista na mabisita ang Rafflesia Yard na idineklara ng DENR na kritikal na tahanan ng pambihira at pinakamalaking bulaklak sa bansa o ang Rafflesia na kilala rin sa lokal na tawag na ‘boo’ o ‘kolon busaw’. Sa buong mundo, ikalawa ang Rafflesia sa pinakamalaking bulaklak na maaaring umabot sa 80 sentimetro. Siguradong dadayuhin ng mga turista ang lugar at magkakaroon ng karagdagang hanapbuhay ang mga tao roon. Unang napabalita na natukoy ang Rafflesia sa Bukidnon ng botanist na si Ulysses Ferreras bilang Rafflesia Schadenbergiana Goppert na inakala noon na extinct na. Huli kasing nakita ang bulaklak ni German Alex Schandenberg sa Mt. Apo noong 1881 bago ito muling nakita sa Bukidnon matapos ang 126 taon. Bukod sa pambihirang bulaklak, matatagpuan din sa Bukidnon ang apat na bundok na kabilang sa 10 mataas sa bansa na kinabibilangan ng Mt. Dulang-Dulang (2nd), Mt. Kitanglad (4th), Mt. Kalatungan (5th), at Mt. Maagnaw (8th).
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/may2015/edit_spy.htm#.VVyC5vlViko
|
Wednesday, May 20, 2015
Lumalakas ang turismo
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment